Inilabas ng Miss Grand International noong Linggo, Oktubre 13, 2024 ang score update at listahan ng Top 8 contenders para sa Miss Popular vote ng Miss Grand International 2024.
Wala ang pangalan ni Miss Grand Philippines Christine Juliana "CJ" Opiaza.
Read: Christine Juliane Opiaza wins Miss Grand Philippines 2024
Nangunguna si Miss Grand Myanmar Thae Su Nyein, na nakakuha ng 54%, kasunod si Miss Grand Ukraine Kateryna Bilyk (23%).
Malayo na sa kanila ang ibang nakapasok sa Top 8:
Isa itong matibay na pahiwatig na tuluyan nang nawalan ng tiwala ang mga Pilipino sa Thailand-based beauty pageant na itinatag ng media personality at businessman na si Nawat Itsaragrisil.
Dati-rati, hindi nawawala ang mga kinatawan ng Pilipinas sa listahan ng Popular vote at mga kandidatang pinapaborang manalo.
Pagdating sa online voting para sa lahat ng mga international beauty pageant, wala nang tatalo sa sipag ng mga Pilipino sa pagboto.
Read: Miss Grand Peru kinoronahang Miss Grand International 2023
PINOY PAGEANT FANS DONE WITH MISS GRAND INTERNATIONAL?
Sa loob ng 12 taon, wala pang kandidata mula sa Pilipinas ang nanalo ng Miss Grand International title, kahit para sa maraming Pinoy pageant fans ay karapat-dapat silang magwagi.
Bunsod nito, nawala na ang kumpiyansa ng Filipino beauty pageant fans sa patimpalak na inakusahan nilang isang “ cooking show.”
Maraming beses nang pinabulaanan ni Itsaragrisil ang mga paratang laban sa kanya at ilang beses na rin siyang bumisita sa Pilipinas para suyuin ang mga Pilipino, pero nabalewala ang mga pagpupursigi niya.
Read: Miss Grand International founder Nawat Itsaragrisil apologizes to Pinoy pageant fans

Sa kabila ng katotohanang malakas ang laban ni CJ sa Miss Grand International 2024 dahil sa kagandahan at katalinuhang taglay niya, nakakundisyon na ang isip ng Pinoy pageant fans na hindi siya papanalunin ni Itsaragrisil.

Inaakusahan ng Pinoy pageant fans ang Thai beauty pageant director na pinaiiral ang favoritism kaya hinihikayat ang franchise-holder ng Miss Grand Philippines na ihinto na ang pagpapadala ng mga kalahok.
Kinoronahan si CJ na Miss Grand Philippines 2024 sa Newport Performing Arts Theater, sa Pasay City, noong Setyembre 29, 2024.
Sandaling-sandali lamang ang paghahanda niya para sa Miss Grand International 2024 dahil lumipad na siya sa Bangkok, Thailand noong Oktubre 3.
Magaganap ang coronation night ng 12th Miss Grand International sa MGI Hall, Bravo BKK Mall sa Bangkok, Thailand, sa Oktubre 25.