Ibinahagi ni Rovie Cabigquez na nagkaroon ng mild stroke ang kanyang inang si Regine dalawang buwan na ang nakararaan dahil lubos daw itong naapektuhan ng paninira kay Rovie sa social media.
Si Rovie ay higit na kilala bilang si Mariposa, ang mahusay na dancer at choreographer, na nahalal bilang konsehal ng Meycauayan, Bulacan, noong 2022.
Siya ay tumatakbo sa pagka-mayora ng Meycauayan sa darating na midterm elections ng Mayo 12, 2025.
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files kay Mariposa nitong Miyerkules ng hapon, Oktubre 16, 2024, ikinuwento niyang nag-umpisa ang mga paninira sa kanya nang kumalat ang balitang tatakbo siya sa pagka-alkalde.
Lahad ni Mariposa: "Na-mild stroke two months ago yung mama ko because of social media, yung mga nababasa niya. Magse-seventy-years-old na siya.
"At literal na mababasa ng isang ina—mula sa trolls, mga locked profile, mga bayarang trolls, ang exact words, and I quote: 'Gabi-gabi kang tinitira ni Governor Daniel Fernando. Sa Bulakan, Bulacan, ka natutulog gabi-gabi.'"
Mariing itinanggi ni Mariposa ang tinawag niyang malisyoso at walang katotohanang pag-uugnay sa kanya kay Bulacan Governor Daniel Fernando, isang dating aktor.
Inaamin niyang si Governor Fernando ang kumumbinsi sa kanyang tumakbo para sa pagka-alkalde sa ilalim ng partido ng National Unity Party (NUP).
Pero ni hindi pa raw siya nakakatungtong sa pamamahay nito sa Bulakan, Bulacan. "Dyuskopo, hindi pa ako nakakapunta doon," ani Mariposa.
Sabay tukoy niya sa kanyang detractors: "Ganoon sila kalala, naghahari-harian. Kung ako lang, kaya ko.
"Sabi ko nga sa nanay ko, hangga’t maaari, huwag na siyang magbasa sa social media."
Kung anu-ano pa raw ang ibinabato kay Mariposa.
"Number one ang siraan sa amin. Inaaraw-araw na nga po ako.
"Dahil babae ako at single, wala po akong asawa, wala akong anak, iniisyu po ako kay Governor Daniel.
"Ako raw po ay girlfriend ni Gov. Daniel. Ako raw po ay girlfriend ng isang congressman na ni hibla ng kanyang buhok, hindi ko pa nakikita.
"Kahapon nga, nag-Facebook Live ako, sinabi ko na habang ginagawa ninyo yan, e kayo rin ang mga nagpapasikat sa amin, at kayo rin ang nagpapatunay na kapag hitik sa bunga, binabato."
Kung tinitira man daw siya para panghinaan ng loob sa pagkakandidato, bigo ang mga may pakana ng paninira sa kanya.
PAANO NABUO kay mariposa ANG PASYAng TUMAKBO?
Sinabi ni Mariposa na matatag ang desisyon niyang labanan ang incumbent mayor ng Meycauayan na si Henry Villarica.
Nga lang, ang mga dahilan ni Mariposa ay maaaring hindi nababagay sa mundo ng pulitika.
Aniya: "Isang taon na pinag-isipan pero hindi pa sigurado.
"Ang daming signs ko po, like mga simpleng butterfly sa loob ng kuwarto ko. Pati yung pag-ulan sa summer season, ginamit ko na sign.
"Sabi ko, 'Lord, tatakbo po ako kapag umulan kahit tag-init. Nangyayari po. Ang daming signs po, nakawalo yata ako.
"Alam ninyo po, talagang kapag itinakda ng Panginoon, saka isinisigaw na po ng taumbayan sa amin na gusto na rin po ng changes."
May laman naman ang isa niyang sinabi: "Kung merong one percent, 200 percent ang challenge dahil incumbent mayor ang kalaban ko."
Ang mga sumunod na sinabi ni Mariposa—kung may katotohanan man—ay inaasahan nang mga pananalita ng isang kumakandidato.
"Ready na po ako kasi kung walang tatayo, mahirap po talaga.
"Suicidal squad nga ang aming tawag sa grupo namin, ang Team Malayang Meycauyan, dahil lalaban kami sa aming incumbent mayor.
"Mahirap po kasi talaga kapag tumayo ka sa tama. Ang dami mong mababangga."
Dagdag-banat nito sa kakalabaning incumbent mayor: "Napakarami pong dapat baguhin sa Meycauayan, at nakita ko na po nung nakapasok ako sa loob. Yun ang mga hindi ko masikmura."
Hindi naman idinetalye ni Rovie, aka Mariposa, ang mga hindi niya masikmura.
Sabi lamang nito: "Ang kaya ko po maipagmalaki, hindi ako kayang tapatan ng pera. Lahat na po ng alok, ibinibigay sa akin pero hindi ako nasilaw.
"Ang tawag nga sa akin, babaeng may bayag. Bibihira na po sa tao yung lalaban ka para sa tama.
"Napakahirap gamitin ng prinsipyo. Don’t mock the principle kasi baka i-challenge ka. Mabaon ka lang sa utang, igi-give up mo lahat."
Read: Aktor, pumayag ikampanya ang isang partido kapalit ng PHP30M
MARIPOSA ON POLITICAL CAREER
Kuwento ni Mariposa, kahit noong 2022 nang una siyang nahalal bilang councilor, hindi pumasok sa isip niyang darating ang panahong papasukin niya ang mundo ng pulitika.
"Maraming pagbabago ang nangyari sa buhay ko. Wala naman akong kaplanu-plano noon na pumasok sa pulitika, pero kapag talagang itinakda ng Panginoon, uncontrollable po ang desisyon natin—this is it.
"Saka nung pumasok po ako sa pulitika, ang laki na po ng pagbabago.
"Ang mga taumbayan na po ang nagsasabi na nang magkaroon ng isang Mariposa sa Meycauayan, malaki ang change sa public service.
"Kumbaga sa pagsasayaw, may sample. Ang Mariposa po, may sample ng serbisyo.
"Kahit hindi po ako nabigyan ng committee.
"Ako lang po ang hindi nabigyan dahil independent candidate ako noon. Mag-isa lang po akong tumakbo.
"Bibihira po na manalo ang independent candidate, pero kapag kaloob ng Panginoon, kung para sa yo, para sa yo."
Read: Sugar Mercado, iwas sa mga tanong tungkol kay Willie Revillame
MARIPOSA ON HER showbiz BACKGROUND
Tanggap ni Mariposa ang katotohanan na factor sa pagkakahalal niya noon bilang konsehala ang pagiging isang showbiz personality.
"Aminado naman po tayo na nakatulong yon. Ang pulitiko nga po, kailangan na mag-artista bago sumikat.
"Ako po, advantage na kilala at gusto ka na makita ng mga tao.
"Dun mo dodoblehin ang serbisyo para lalo ka nilang mahalin at hindi ka makalimutan.
"Ang maganda po sa pagiging artista, sanay po tayo na makihalubilo sa mga tao, mahirap o mayaman, lahat po nayayakap at nakakausap natin."
Bukas ang PEP sa sasabihin ng mga taong nabanggit sa artikulong ito.