Si Ai-Ai Delas Alas ang espesyal na panauhin ni Boy Abunda sa finale episode ng Season 1 ng My Mother My Story, at mapapanood ito sa susunod na Linggo, Oktubre 27, 2024.
Tungkol sa relasyon ni Ai-Ai sa kanyang biological mother na si Gloria at adoptive mother na si Justa ang pinag-usapan nila ni Boy sa limited talk series nito sa GMA-7.
Nagawa ni Ai-Ai na kontrolin ang sarili na huwag umiyak habang nagkukuwento tungkol sa kanyang mga ina na kapwa pumanaw na at ang mga karanasan niya noon bilang isang ampon na anak.
AI-AI DELAS ALAS WITH SON SANCHO
Pero panandalian lamang ang pagpipigil ni Ai-Ai ng damdamin nito dahil napahagulgol siya nang pag-iyak sa hindi inaasahang paglitaw ng kanyang panganay na anak na si Sancho.

Sorpresa ring dumating si Jiro Manio, ang aktor na gumanap na isa sa mga anak niya sa 2003 blockbuster movie na Ang Tanging Ina.
Read: Former child actor Jiro Manio reveals reason why he won't go back to acting
Gulat na gulat si A-Ai dahil sa sorpresang pagdating nina Sancho at Jiro na may dalang cake at regalo para sa kanya dahil ipinagdiwang din sa My Mother My Story ang nalalapit na kaarawan niya sa Nobyembre 11, 2024.

Mula sa pigil na pigil na pagpatak ng luha, tuluyan nang nag-breakdown si Ai-Ai kaya napaiyak na rin si Boy at ang mga tao sa paligid na nanood ng taping ng My Mother My Story, na ginanap noong Biyernes ng gabi, Oktubre 18, sa Music Box, Timog Avenue, Quezon City.
AI-AI DELAS ALAS EXCHANGE WARM HUGS WITH JIRO MANIO
Iniyakan nang husto ni Ai-Ai ang sorpresang pagpapakita ni Sancho at ang muli nilang pagtatagpo ni Jiro makaraan ang walong taon.
Si Ai-Ai ang tumulong noon kayJiro para maipasok at maipagamot ito sa isang private rehabilitation center.
Read: Jiro Manio reveals he used money from sold Urian trophy for Christmas and New Year

Si Ai-Ai rin ang nagdala sa dating child actor sa isang rehabilitation center sa Bataan at nagpunta siya sa Japan para hanapin ang biological Japanese father ni Jiro.
Natunton ni Ai-Ai ang kinaroroonan sa Japan ng ama ni Jiro pero siya ang nasaktan para sa aktor na tinanggihan na kilalanin ng sariling ama.
Sa kabila ng kakapusan ng pera, nakagawa si Jiro ng paraan na mabigyan ng birthday gift si AiAi na itinuturing niya na pangalawang ina at tinrato siyang tunay na anak.