Si Ogie Alcasid ang producer ng reunion dance concert ng Streetboys.
Siya ang may witty idea sa pamagat na SB90s The Streetboys na itatanghal sa New Frontier Theater, Araneta City, Cubao, Quezon City, sa Nobyembre 8, 2024.
Read: Ogie Alcasid, ipo-produce ang reunion concert ng Streetboys
Mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas mula nang itatag ng multi-awarded movie and TV director na si Chito Roño noong 1993 ang matagumpay na grupo ng mga kabataang binigyan niya ng pangalang The Streetboys.
Sa orihinal na mga miyembro ng The Streetboys na nabuo noon sa dating Equinox disco sa Pasay Road, Makati City, tanging sina Vhong Navarro at Jhong Hilario na lamang ang mga aktibo sa showbiz.

STREETBOYS REUNION DANCE CONCERT
Sa media conference na ginanap sa isang events place sa Quezon City noong Linggo ng hapon, Oktubre 20, 2024, si Jhong ang nagpaliwanag tungkol sa desisyon nilang magsama-samang muling magtanghal.
Lahad ni Jhong: “For thirty-one years, ngayon lang namin naisip magkaroon ng reunion [dance concert] hangga’t hindi pa nabubura yung number namin sa kalendaryo na 31.
"At least, nakapag-reunion kami at nakapagkasundo-sundo yung mga oras. Kasi meron kaming apat na members na OFW—sina Joseph [de Leon], Spencer [Reyes], Michael [Sesmundo], at si Sherwin [Roux].
“Nagtugma yung schedule, pumuwede silang lahat.
"So, sabi namin ni Kuys Vhong [Navarro], this is the time na talagang ituloy na natin yung reunion since hindi na kami bumabata.
“Gusto rin namin itong maging paraan para makapagbigay ng pasasalamat sa lahat ng mga sumuporta sa Streetboys since day one, kaya ito yung magandang regalo namin sa kanila."
Read: Streetboys, siguradong kumpleto sa kanilang reunion concert
Sinabi naman ni Vhong na magkahalong saya at lungkot ang reunion concert ng kanilang iconic group dahil makalipas ang tatlumpu't isang taon, mangyayari na ang muling pagsasama-sama nila.
“Yung lungkot, kung bakit naging 31 years saka naisip na gawin. Puwede namang mas maaga, di ba?
“Ngayon kasi nararamdaman na namin sa rehearsals yung sakit ng likod."

Dagdag pa ni Vhong, “Sa thirty-one years, ang sarap isipin na with Direk Chito, wala po kaming kontrata. Kumbaga, verbal lang yung pag-uusap namin na gagawin na ang Streetboys.
“Ang sarap sabihin na in 31 years, magkakasama pa rin kami hanggang ngayon.
"Yung pagtayo ni Direk Chito bilang tatay-tatayan namin, e, lumagpas na po at naging lolo-lolohan na rin. Kasi yung mga anak namin, parang mga apo na rin niya.
“Sa katunayan, every year, magkakasama kami — Pasko, Bagong Taon, birthdays. Hindi ko ma-imagine na ganoon katagal, ganoon katagal siyang magtitiis sa amin.
“Narito pa rin siya, talagang sumusuporta sa amin.”