Sa tuwing sumasapit ang petsang Oktubre 10, lumilitaw ang mga meme tungkol kay Tenten, ang pangsampu at bunsong anak ni Ina Montecillo sa Ang Tanging Ina, ang phenomenal blockbuster movie ng Star Cinema noong 2003 na pinagbidahan ni Ai-Ai delas Alas.
Ang Filipino-Japanese child actor na si Yuuki Kadooka ang gumanap sa karakter ni Martin “Tenten” Montecillo, ang deaf-mute son ni Ina sa Ang Tanging Ina.
Nagmarka nang husto ang kanyang pagganap dahil sa eksenang nawala siya, at hysterical pero walang tunog na hinanap siya ng nanay niya.
Read: Ai-Ai delas Alas, excited sa Tanging Ina reunion movie
Pitong taon ang edad ni Yuuki nang gampanan nito ang papel ni Tenten.
Labingdalawang taon siya nang umalis sa Pilipinas para bumalik sa Japan.
Nag-aral at permanente na siyang nanirahan sa Japan mula pa noong 2008.
HAPPY TENTEN DAY
“Natutuwa naman po ako na kahit papaano natatandaan pa rin po ako ng mga tao for more than a decade kahit wala na ako sa showbiz.
“Thanks and Happy Tenten Day sa inyong lahat!” matatas pa rin sa pagsasalita ng wikang Pilipino na pahayag ni Yuuki sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files tungkol sa mga 10-10 meme sa kanya.
Binatang-binata na si Yuuki.
Sa edad na 28, isa na siyang matagumpay na freelance web and graphic designer at YouTube game streamer sa Japan.
“I am still single,” sabi ni Yuuki.
Read: Ang Tanging Ina cast reunites in Wenn Deramas's wake
Payag daw si Yuuki bumalik sa showbiz kung may mga mag-aalok sa kanya ng mga acting assignment.
“I made five movies before, Ang Tanging Ina, Ang Tanging Ina N’yong Lahat, Ang Tanging Ina Mo (Last na ‘To), Bertud ng Puti, at Shake, Rattle & Roll 8.
“Ang fondest memories ko noong active pa ako sa showbiz ay ang nakukyutan sa akin ang mga co-artist ko, production staff, at fans ko.
“I still cherish the experiences that I was able to work with many professional people and go to different kinds of places,” pagbabalik-alaala ni Yuuki noong child star pa ito at aktibo sa paglabas sa telebisyon at sa mga pelikula.
Ibinida ni Yuuki na bumibisita pa rin siya sa Pilipinas kapag may pagkakataon at patuloy ang kanyang komunikasyon sa ibang mga artistang nakatrabaho niya noon.