Ibinalik ni Miss Grand Myanmar Thae Su Nyein sa Miss Grand International Organization ang second runner-up crown na napanalunan niya sa Miss Grand International 2024.
Ito ay dahil sa kanyang paniniwalang dinaya siya sa National Costume at Country Power of the Year awards.
Read: Miss Grand Myanmar, di matanggap na second runner-up lang sa MGI
Sa kanyang no-makeup live social media broadcast nitong Linggo, Oktubre 27, 2024, sinabi ni Nyein na nasaktan siya dahil si Miss Grand Thailand Malin Chara-anan ang pinagkalooban ng parangal na Country Power of the Year.
Ito ay kahit si Nyein ang tumanggap ng pinakamataas na bilang ng fan votes para sa naturang kategorya.
Makikita raw ang katibayan sa lahat ng mga social media platform ng MGI Organization.
Iginiit din ni Nyein na siya ang nakakuha ng pinakamataas na bilang ng fan votes sa National Costume category ng Miss Grand International 2024, pero hindi siya kabilang sa mga nanalo.
Read: CJ Opiaza, di kasama sa Top 8 ng Miss Popular ng MGI 2024
THE SCENE AFTER THE GRAND CORONATION
Ipinaliwanag ni Nyein na umiyak siya habang nasa entablado ng Miss Grand International 2024 dahil sa awang nararamdaman para sa kanyang mga kababayan na isinisigaw ang pangalan niya habang hawak ang watawat ng Myanmar.
Pinabulaanan din niya ang paratang na itinapon ni Miss Grand Myanmar National Director Htoo Ant Lwin ang kanyang korona at sash bilang second runner-up winner.
Ayon kay Nyein, iniabot ni Lwin sa ibang tao ang korona at sash niya para maging kumportable siya dahil sa emotional at external pressure na kanyang nararamdaman.
Read: Htoo Ant Lwin at Nawat Itsaragrisil, nagbabatuhan ng akusasyon
“I am not controlled by anyone. I just make my own decision.
"I give back my second runner-up crown just because we didn’t get what we deserve— our National Costume prize, our Country Power of the Year, not the winner crown,” paglilinaw ni Nyein sa mga haka-hakang umasa siyang magwawagi ng korona ng Miss Grand International 2024.
Sinabi rin ni Nyein na wala siyang sama ng loob laban kay Miss Grand International 2024 winner Rachel Gupta ng India at sa first runner-up na si Christine Juliana Opiaza ng Pilipinas.
“I am not going against my sisters. I love India, I love Philippines, they’re my best sisters of all times. I don’t blame them,” pahayag ni Nyein.
Muli niyang iginiit na ibinalik nito ang kanyang second runner-up crown dahil dinaya siya sa National Costume at Country Power of the Year awards, hindi dahil sa hindi niya naiuwi ang korona ng 12th Miss Grand International.