Abril 2024 nang mawalan ng trabaho si Lynell Eugenio sa courier company na pinaglilingkuran niya bilang driver.
Dahil dito, siya muna ang tagahatid at sundo sa kanyang asawang nagtatrabaho at bunsong anak na lalaki na nag-aaral.
Noong Martes, Oktubre 29, 2024, unang araw sana ng pagpasok ni Lynell sa isa pang courier company na pinag-aplayan niya bilang driver.
Pero hindi na siya nakapag-report sa trabaho dahil sa pagpaslang sa kanya ng dating aktor na si John Wayne Sace sa Barangay Sagad, Pasig City, noong Lunes ng gabi, Oktubre 28.
Read: John Wayne Sace arrested for alleged shooting incident
Ibinahagi ng naulilang anak ni Lynell na si Cristel Eugenio sa Cabinet Files na masaya ang kanyang ama dahil natanggap ito sa bagong kompanyang paglilingkuran.
Ayon kay Cristel, excited si Lynell dahil may trabaho na ito at may maihahanda na para sa kaarawan ng kanyang bunsong anak na si Nhygell sa susunod na buwan.
Pero sa isang iglap, naglaho ang magagandang plano ni Lynell para sa kanyang mga anak at ang kaligayahang nararamdaman niya nang mapaslang siya ni John Wayne.
Read: Kampo ng napatay umano ni John Wayne Sace, nanawagan ng hustisya
LYNELL EUGENIO'S FAMILY DENIES JOHN WAYNE SACE'S ALIBI
Masakit para sa naiwang pamilya ni Lynell ang sinabi ni John Wayne na inunahan nitong barilin ang kanyang kababata at kaibigan dahil pinagpaplanuhan umano siya nito.
“Alam niyo po ba na nagpapainterbyu sila tapos binabaligtad nila po kami? Kaya gusto ko talagang mainterbyu rin kami para mailabas ang katotohanan,” naghihihimutok ang kaloobang lahad ni Cristel sa Cabinet Files.
“Hindi po kayang gawin ng papa ko ang sinasabi ni John Wayne na pinagpaplanuhan siya. Sobrang bait po ng tatay ko, alam po yan ng mga taga-Barangay Sagad.
“Yun din po ang itinatanong kay John Wayne ng mga pulis, ‘Bakit ka pagpaplanuhan kung solid na kaibigan ang turing sa yo?’
“Grabe si John Wayne, wala siyang awa! Nanggigigil po talaga ako sa kanya!”
Ayon din kay Cristel, ang tatay niya ang nagbiro kay John Wayne ng “Pare, pautang ako ng isang daan.”
Sagot daw ng dating aktor, “Ano kapalit? Buhay?”
Makalipas lamang ang ilang minuto, pinatay na ang biktima.
Read: Victim's daughter speaks out after arrest of John Wayne Sace
VICTIM'S FAMILY ASKS FOR DONATION
Dumating ang mga labi ni Lynell sa tahanan nila sa Barangay Sagad ngayong Miyerkules ng umaga, Oktubre 30, dahil dito siya ibuburol.
Pero hindi pa nakapagpapasya ang kanyang naulilang pamilya tungkol sa araw ng libing niya.
Ilang bahay lamang ang pagitan ng bahay ng pamilya ni Lynell sa bahay ni John Wayne at ng lolo nito.
Ayon kay Cristel, hindi pa nila nakikita ang lolo ni John Wayne mula nang pagbabarilin ng aktor ang tatay niya.
Bilang nangangailangan sila ng tulong pinansiyal para sa burol at paglilibing sa kanyang ama, nananawagan si Cristel sa mga taong may mabubuting kalooban.
Maaari raw ipadala ang tulong sa kanila sa pamamagitan ng GCash number 09536351212 na nasa pangalan ni Sharon G.
Tatanawin daw nila itong isang malaking utang na loob.