Malaki ang posibilidad na magkaroon ng sariling lifestyle show si Rhian Ramos sa GMA-7.
Ang pinaplanong programa niya ang naiisip ipalit ng kanyang boyfriend na si Tutok to Win party-list House Representative Sam Verzosa sa mababakanteng timeslot ng Dear SV sa Marso 2025.
Read: Sam Verzosa, hindi raw gagamitin si Rhian Ramos sa politika
Ang Dear SV ang public-service program ni Sam na napapanood sa Kapuso Network tuwing Sabado ng gabi.
Blocktimer sa GMA-7 ang Dear SV.
Dahil kandidato siyang alkalde ng Maynila sa halalan sa Mayo 2025, kailangan niyang pansamantalang talikuran ang kanyang programa.
Read: Sam Verzosa, pormal nang naghain ng kandidatura para Manila mayor
Sinabi ni Sam na maaaring ang programa ni Rhian ang hahalili sa Dear SV at nakapag-usap na sila tungkol sa mga pagbabagong nakatakdang mangyari.
“Baka si Rhian ang ipalit ko sa kung ano yung mga passion niya, like travel, food, lifestyle show.
“Actually, napaka-supportive ni Rhian. If ever man na magkaroon ng bagong programa, kung may ipapalit man sa akin, siya na lang.
“Parang parehong project pa rin namin. Pareho kasi kami ni Rhian ng mga passion, hobbies. Baka puwedeng siya ang magtuloy dahil may mga limitasyon muna kasi ako.
“Hindi muna Dear SV ang ipalalabas namin, ibang show naman, pero amin pa rin. Hindi na nga lang puwede yung title ko, hindi na ako puwedeng lumabas sa TV.
“I think hanggang March 2025 na lang ako mapapanood sa TV dahil magsisimula na ang campaign period mula Marso 28, 2025 hanggang May 10, 2025,” pahayag ni Sam.
Read: Rhian Ramos at Sam Verzosa, bakit click sa isa't isa?
DEAR SV AWARDS
Samantala, masaya si Sam dahil sa mga parangal na igagawad sa kanya sa Rising Tigers Charity Ball na magaganap sa Makati Shangri-La Hotel, Makati City, ngayong Miyerkules ng gabi, Oktubre 30, 2024.
Philantrophist of the Year, Excellence Award for Outsanding Public Service Program para sa Dear SV, at Excellence Award for Outstanding Public Service Program Host ang tatlo sa mga karangalang ipagkakaloob sa kanya.
Saad niya, “I am grateful and humbled, lalo na two years pa lang sa telebisyon ang Dear SV.
"Kahit dalawang taon pa lang ang show ko, marami na ang nakaka-appreciate ng mga ginagawa namin sa programa.”
Bibigyan din ng parangal ng isang international award-giving body sa Los Angeles, California, para pa rin sa public-service program niya sa GMA-7.
Nagkaroon din ng nominasyon ang Dear SV sa kategoryang Best Current Affairs Programme Made in Asia for a Single Market in Asia sa ContentAsia Awards 2024 na idinaos sa Taipei, Taiwan, noong Setyember 2024.
Read: Sam Verzosa, mamahaling de-lata ang ipinamimigay sa mahihirap