Bumuhos ang pakikiramay sa naulilang pamilya ni Girlie Ejercito aka Maita Sanchez sa unang gabi ng lamay para sa mga labi niya nitong Linggo, Nobyembre 3, 2024.
Dumagsa ang kanyang mga kamag-anak, kaibigan, at dating constituents sa Pagsanjan.
Read: Former Pagsanjan mayor and actress Maita Sanchez dies at 55
Ang asawa ni Maita, ang aktor at former Laguna governor na si ER Ejercito, ang personal na nag-asikaso sa mga pumunta sa burol ng dating aktres at mayor sa kanilang tahanan sa Pagsanjan.
Matagal pinagsilbihan ni Maita ang Pagsanjan bilang alkalde (2010-2019) at bise-alkalde (2019-2022) kaya may watawat sa ibabaw ng kanyang kabaong.

Sa pamamagitan ng Facebook Live, ibinahagi ni ER ang mga kaganapan sa unang gabi ng burol ng kanyang namayapang asawa.
MARICEL MORALES ON MAITA'S DEATH
Endometrial cancer ang ikinamatay ni Maita sa edad na 55.
Binawian siya ng buhay sa St. Luke’s Medical Center, Quezon City, noong Linggo ng madaling-araw.
Naulila ni Maita si ER at ang kanilang anim na anak na sina Eric, Jet, Jerico, Jhulia, Diego, at Gabriela.
Marami sa mga nakakakilala kay Maita ang nabigla nang makarating sa kanila ang malungkot na balita dahil hindi nila alam na may mabigat na karamdaman ang dating mayor ng Pagsanjan, Laguna.
Kabilang ang kapwa aktres na si Maricel Morales sa mga nagluluksa at hindi makapaniwalang wala na ang kanyang kaibigan.
Inilahad ni Maricel sa social media post nito ang labis na pagdadalamhati.
Mensahe niya: “Mare.. ang sakit naman to wake up to news like this. Trying to process this the whole day. I hoped na fake news ang pinadala sa akin kaninang umaga.
“Been wondering why di ka sumasagot sa mga tawag ko the past months.. may pinagdadaanan ka na pala. I never even found out na nagkasakit ka.
“I’m heartbroken. Salamat sa halos tatlong dekada ng pagkakaibigan. You have played a big part in our lives, isa sa mga naging tunay na kaibigan ko sa industriya.
"You will be missed, sorely! Paalam mare Girlie Maita J. Ejercito.. hanggang sa muli."
EJERCITO FAMILY IN POLITICS
Dalawa sa mga anak nina Maita at ER ang kakandidato para sa halalan sa Mayo 12, 2025.
Tumatakbong bise-gobernador ng Laguna ang aktor na si Jerico Ejercito, samantalang si Jhulia ay kandidato bilang board member ng 4th District ng kanilang lalawigan.
Matapos mabigong mahalal na mayor ng Calamba City, Laguna, noong Mayo 2022, muling susubukan ni ER ang kapalaran sa public service dahil naghain siya ng kandidatura bilang alkalde ng Pagsanjan para sa eleksyon sa Mayo 2025.
Unang nagsilbi si ER bilang mayor ng Pagsanjan noong Hunyo 30, 2001 hanggang Hunyo 30, 2010.
Noong Hunyo 2010, nahalal siya na gobernador ng Laguna, ang posisyong hinawakan niya hanggang Mayo 27, 2014.
Read: ER Ejercito, kakandidato bilang Calamba mayor; hindi natinag sa graft conviction