Ang death scene ni Isay Alvarez ang isang dahilan kaya dapat panoorin ang Episode 73 ng Pulang Araw sa Netflix at sa GMA-7.
Ipinamalas ni Isay sa mga eksena niya sa Kapuso war drama series ang kanyang husay bilang aktres dahil sa perpektong pagganap niya sa katauhan ni Dolores, ang tagapag-alaga at bantay sa mga comfort women na biktima ng panggagahasa ng mga sundalong Hapones noong World War II.
Read: Sanya Lopez, Ashley Ortega nanawagan ng hustisya sa comfort women
Pinatunayan ni Isay na walang maliit na papel para sa mahuhusay na artistang kagaya niya dahil sa galing na kanyang ipinakita.
Isa si Isay sa mga underrated actress sa Philippine entertainment industry, pero para sa amin ay karapat-dapat siyang bigyan ng respeto at mataas na pagpapahalaga dahil sa kanyang makapangyarihang pagganap sa Pulang Araw.
Ang pagkanta ng karakter ni Isay sa 1896 revolutionary kundiman song na "Jocelynang Baliwag" bago siya barilin ng mga sundalong Hapones ang isa sa mga hindi malilimutang eksena sa Pulang Araw.
Ang nabanggit na eksena ang muling nagpaalaala sa mga tao na hindi lamang magaling na aktres si Isay dahil mahusay rin siya na mang-aawit.
ISAY ALVAREZ ON PIVOTAL SCENE
Nang itanong ng Cabinet Files kay Isay ang paghahandang ginawa nito, sinabi niyang hindi siya makausap nang araw na kunan ang kanyang death scene sa Pulang Araw.
Hindi nagkamali ang GMA-7 sa pagkuha sa serbisyo ni Isay para gampanan nito ang karakter ni Dolores dahil sulit na sulit ang pagtitiwala na ipinagkaloob sa kanya. Masuwerte si Isay na maging bahagi ng Pulang Araw na hindi basta isang ordinaryo na serye na napapanood sa Netflix at GMA-7 dahil kapupulutan ito ng mga importante na impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas noong panahon ng ikalawang pandaigdigan na digmaan.
Read: David Licauco, tumatanggap ng papuri dahil sa Pulang Araw
"JOCELYNANG BALIWAG"
Dapat papurihan ang tao na nakaisip na gamitin sa Pulang Araw ang "Jocelynang Baliwag," ang Kundiman ng Himagsikan, dahil akmang-akma ito sa kuwento at mga eksena ng programa ng Kapuso Network.
Nakasaad sa kasaysayan na komposisyon ni Isabelo delos Reyes noong 1898 ang "Jocelynang Baliwag" noong 1898. Ito ang paraan ng panliligaw niya kay Josefa “Pepita,” Tiongson na kilala rin sa tawag na "Pepitang Baliwag."

Pero may mga nagsasabing isang makabayang awit laban sa panlulupig ng mga Kastila sa mga Pilipino ang "Jocelynang Baliwag," pero pinalabas o pinagpanggap itong kanta ng panunuyo.
Noong 1941, muling ipinakilala ni Antonio Molina sa academe ang "Jocelynang Baliwag" dahil sa kanyang paniniwala na kundiman ng rebolusyon ang nabanggit na awit.
Binawian ng buhay si Josefa noong Oktubre 26, 1974 sa edad na 88.
Pero hanggang sa kamatayan, wala siyang kamalay-malay na bahagi ng Philippine history books ang kanyang pangalan dahil sa mga musikang may kaugnayan sa rebolusyon sa Pilipinas, tulad ng "Jocelynang Baliwag."