Itinanggi ng multi-awarded director at talent manager na si Chito Roño ang haka-hakang may mga paborito siya sa mga miyembro ng Streetboys, ang dance group na itinatag niya noong 1993.
Ang Streetboys ang dahilan kaya nagkaroon ng showbiz career sina Vhong Navarro, Jhong Hilario, Spencer Reyes, at Danilo Barrios.
Walang paliguy-ligoy na sinabi ni Direk Chito sa panayam sa kanya ng Cabinet Files na wala siyang pinapaboran o paborito sa mga talent niya.
Read: Streetboys, walang inggitan mula noon hanggang ngayon
“Wala akong paboritong-paborito pero inaasikaso ko. May inaasikaso ako depende sa pangangailangan.
“Sa pamilya, merong paboritong pagalitan, may paboritong utusan, pero hindi naman sa hindi ko mahal,” paliwanag ni Chito.
Natawa ang direktor dahil sa pagsingit ni Vhong na umamin, “Ako ang paborito…paboritong pagalitan ni Boss.”
Read: Jhong Hilario, malaki ang pasasalamat kay Direk Chito Rono
Muling nagkasama-sama ang mga miyembro ng Streetboys dahil sa kanilang reunion dance concert na itatanghal ngayong Biyernes ng gabi, Nobyembre 8, 2024, sa New Frontier Theater, Araneta City, Cubao, Quezon City.
Umuwi ng Pilipinas mula sa mga bansang kanilang tinitirhan at pinagtatrabahuhan ang dating mga miyembro na sina Joseph de Leon (Dubai), Spencer Reyes (Scotland), Michael Sesmundo (United Kingdom), at Sherwin Roux (Canada) para maging bahagi ng dance concert na hindi nila inaasahang mangyayari makalipas ang 31 taon.

JOSEPH DE LEON
Sa Streetboys members, si Joseph ang unang-unang tumiwalag sa grupo dahil sa katwirang hindi niya nakikita ang sarili na habambuhay siya sa showbiz.
“That was the most difficult time, decision na ginawa ko,” pagtatapat ni Joseph sa Cabinet Files.
“Nagpaalam ako kay Boss Chito. Actually, nagkaroon pa kami ng samaan ng loob noon ng buong grupo kasi that was 1997, kasagsagan pa ng Streetboys.
“Sabi ko, five years, ten years from now, I don’t see myself in showbiz. Mas gusto ko ng simpleng buhay, family man.
“At the same time, yung family ko, nasa abroad. Naisip ko rin na hindi ako sasayaw panghabambuhay. Parang hindi ito ang linya ko. Hindi ito ang linya ng trabaho na gusto kong pangtaguyod ng pamilya.
"Pero I’m proud to be part of Streetboys. Kahit saan ako pumunta, may mga nakakakilala sa akin.
“Nakaka-proud na kapag Streetboys ka, kahit hindi nila alam ang pangalan mo, nakikilala ka. nNakakalaki ng puso.”
DANILO BARRIOS
Sabi naman ni Danilo Barrios, “Dahil sa Streetboys, naging artista po ako.
"Dahil sa Streetboys, siyempre, nakaipon din po ako. At dahil sa Streetboys, nagkapangalan po ako.
“Dahil sa Streetboys, naging maayos ang buhay ko, naging family-oriented ako.”

MEYNARD MARCELLANO
Nagpapasalamat naman si Meynard Marcellano dahil ang Streetboys ang naging instrumento para makarating siya sa mga lugar na pinapangarap niya noong mapuntahan.
“Dahil sa Streetboys, nakarating ako sa iba’t ibang bansa,” sabi ni Meynard.
“Dahil sa Streetboys, naging professional ako pagdating sa trabaho.”
JOEY ANDRES
Naging madamdamin naman ang pagsasalita ni Joey Andres na pinigil na mapaluha.
Sabi niya, “Dahil sa Streetboys, marami po akong experience.
“Marami akong natutunan about my character at saka, nakapag-travel po ako sa ibang bansa at nakilala po ang pangalan ko. Maraming nagbago sa buhay ko.”
NICKO MANALO
Ipinagmalaki naman ni Nicko Manalo na hindi man siya nagkaroon ng college diploma, hindi niya pinagsisisihan ang pagiging miyembro ng Streetboys.
“Hindi man po ako nakatapos ng pag-aaral, masasabi ko po na no regrets kasi sa Streetboys, yung experience, yung mga napag-aralan sa buhay, in short, pinaganda niya ang buhay ko.
“Naging maganda ang buhay ko, marami akong natututunan lalo na kay Boss Chito. Parang naging teacher namin siya,” pahayag ni Nicko.