Nabigo ang netizens na nais magpadala ng mensahe kay Gerald Sibayan dahil bago pa man pumutok ang balitang hiwalay na sila ni Ai-Ai delas Alas, deactivated na ang kanyang mga social media account.
Kasal sina Ai-Ai at Gerald kaya marami ang nagulat sa kumpirmadong balitang inilabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Biyernes, Nobyembre 8, 2024, na nagwakas na ang kanilang isang dekadang pagsasama.
Read: Ai-Ai delas Alas, hiwalay na sa asawang si Gerald Sibayan
Nakatanggap si Ai-Ai ng mga mensahe ng suporta, pagmamahal, at pakikisimpatiya mula sa kanyang mga kaibigan at tagahanga pero pinili niyang manahimik muna.
Kumpirmadong ilalahad ni Ai-Ai ang mga kuwento sa likod ng paghihiwalay nila ni Gerald sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda sa Lunes, Nobyembre 11.

AI-AI'S 60TH BIRTHDAY
Makahulugan at makabuluhan ang gagawing pagsasalita ni Ai-Ai sa Nobyembre 11 dahil ito ang ika-60 taon na kaarawan niya.
Nagbitaw si Ai-Ai ng pangako sa sarili na una at huling pagkakataong magsasalita siya sa programa ni Boy tungkol sa hiwalayan nila ni Gerald.
Nag-umpisa noong Setyember 2024 ang pagpaplano para sa masaya at malaking selebrasyon sa Pilipinas ng kaarawan ni Ai-Ai.
Peo hindi na ito matutuloy dahil sa malungkot at hindi inaasahang pangyayari sa kanyang personal na buhay.
Masakit man ang mga pinagdaraanan niya ngayon na mga pagsubok, handang-handa raw si Ai-Ai na harapin ang bagong kabanata ng kanyang buhay, sa tulong ng Panginoong Diyos at ng debosyon niya kay Blessed Mother Virgin Mary.
Read: Ai-Ai delas Alas, Gerald Sibayan celebrate 10th anniversary in California