Madaragdagan ang taping days ng Pulang Araw kaya malaki ang tsansang magkaroon ng extension ang pagpapalabas nito sa telebisyon.
Isa itong magandang balita para sa mga artista, production staff, at mga tagasubaybay ng pinupuring drama series ng GMA-7 na napapanood din sa Netflix.
Pero hindi na kasali si Angelu de Leon dahil pinatay na ang karakter niya.
Read: Angelu de Leon: "Binabayaran ako para maging ang sama."
Nagpaalam sa ika-79 kabanata ng Pulang Araw si Carmela Borromeo, ang kinamumuhiang karakter na ginampanan ni Angelu. Pinatay siya ni Colonel Yuta Saitoh, na binibigyang-buhay naman ni Dennis Trillo.

Lumitaw ang galing ni Angelu bilang aktres sa mga eksena niya sa Pulang Araw dahil sa kanyang pagganap.
Kinainisan ang karakter ni Angelu bilang asawa ni Epy Quizon at ina ni Sanya Lopez dahil sa pagiging sakim at pagkampi sa mga Hapones.
Pero sa kanyang mga huling eksena sa Pulang Araw (sa Kabanata 78 at 79), nagawa niyang tubusin ang sarili sa pamamagitan ng pagsisisi sa mga kasalanang ginawa.

Gaya ng pinag-uusapang death scene ni Isay Alvarez sa Pulang Araw, kahanga-hangang ang ipinakita ni Angelu sa kanyang sariling death scene.
Read: Isay Alvarez, muling ipinamalas ang husay sa Pulang Araw
ANGELU DE LEON BIDS GOODBYE TO CARMELA BORROMEO
Sa pakikipag-usap noon ng Cabinet Files kay Angelu, sinabi nitong gustung-gusto niya ang kanyang karakter sa Pulang Araw.
Muling kumakandidato si Angelu bilang konsehal sa ikalawang distrito ng Pasig City para sa halalan sa Mayo 2025.
Nabanggit niyang sana ay matapos muna ang Pulang Araw bago pagbawalang mapanood sa telebisyon ang mga kandidato.
Nangyari ang kagustuhan ni Angelu dahil apat na buwan bago mag-umpisa ng campaign period, nagpaalam sa Pulang Araw ang kanyang karakter na may malaking kontribusyon sa maganda at mahusay na pagkakasulat sa kuwento ng drama war series ng Kapuso Network.
Taos-puso at lubos na pasasalamat ang sagot ni Angelu sa lahat ng mga nagpapadala sa kanya ng mga mensahe ng papuri dahil sa pagganap niya sa Pulang Araw.
Pati na sa mga nagsasabing mangungulila sila sa pagpapaalam ng karakter ni Carmela sa programang kapupulutan ng mga importanteng aral tungkol sa pagiging Pilipino at sa tunay na pagmamahal sa bayan.