Ang masikip na sitwasyon ng trapiko sa EDSA ang dahilan kaya naantala ang pagdating ni Willie Revillame sa live telecast ng Wil To Win noong Lunes, Nobyembre 11, 2024.
Pero nakaabot siya dahil sa tulong ng JoyRide drivers na naghatid sa kanya at sa mga kasama niya sa Novaliches studio ng TV5.
Nanggaling si Willie sa checkup sa kanyang doktor sa clinic nito sa Taguig City, pero naipit sila ng mga kasama niya sa matindi at masikip na sitwasyon ng trapiko sa EDSA.
Read: Willie Revillame, posible pa ring magbago ang isip
Dahil sa mabagal na pag-andar ng mga sasakyan, bumaba ang grupo ni Willie sa SM Lightmall sa EDSA.
Nilapitan nila ang mga nakaparadang motorcycle driver, na naghihintay ng mga pasahero, para magpahatid sa studio ng Wil To Win.
“Ang sakit ng puwet ko,” sabi ni Willie sa Cabinet Files tungkol sa halos isang oras na pagsakay niya sa motorsiklo na nagpasikut-sikot sa mga kalsada para makaabot siya sa live broadcast ng Wil To Win.
Read: Willie Revillame confirms run for senator in 2025 elections

"BIGYAN NG JACKET YAN!"
Bumilib si Willie sa mga driver ng motorsiklong sinakyan nila ng kanyang mga kasama dahil sa mga shortcut na dinaanan para mabilis silang makarating sa kanilang destinasyon.
Bilang pasasalamat, binigyan ni Willie ng jacket ang mga rider na sina Richard de Ramos, Cristo Permanza, at Marlon Dela Cruz. Tuwang-tuwa naman ang tatlong riders at hindi makapaniwala na magiging pasahero nila ang TV host.

Bukod sa mga jacket na ipinamigay, pinasalamatan ni Willie sa kanyang programa ang mga rider.
Ipinakita rin niya ang video ng kanilang paglalakbay mula sa EDSA hanggang sa Novaliches. Ang video ay kuha ng saff ni Willie.
Dahil sa kanyang personal na karanasan, nakita raw ni Willie ang kahalagahan at hindi madaling trabaho ng mga rider.
Kaugnay nito, nagdeklara si Willie na sa darating na Pasko, ang mga rider ng iba’t ibang mga ride hailing company ang kanyang iimbitahan at personal na bibigyang-pugay sa Wil To Win.
Read: Willie Revillame, PHP1B ang halaga ng bagong property sa BGC
Postcript: Dumaan sa mga maliliit na eskinita ang motorsiklong sinasakyan ni Willie.
Inabutan ng TV host ng pera, na dala-dala niya, ang ilang mga nadaanang tao na gulat na gulat sa biyayang hindi inaasahang natanggap, pero hindi na nakilala ng iba ang nag-abot ng tulong dahil may suot na helmet ang Wil To Win host.