Walang kinalaman ang Filipino shoe designer na si Jojo Bragais sa mga sapatos na ginagamit ng mga kandidata ng 73rd Miss Universe, pero siya ang binabatikos ng ilang pageant fans mula sa Pilipinas, Indonesia, at ibang mga bansa.
Isa sa mga batikos kay Jojo na nabasa niya ay ang paninisi sa kanya sa sinasabi ng netizen na "lackluster" pasarela ni Miss Universe Philippines 2024 Chelsea Manalo.
Read: Meet Chelsea Manalo, Miss Universe Philippines 2024
Kinuwestiyon ng netizen kung bakit sa halip na "sleek stilettos" gaya ng sinuot ni Chelsea sa Miss Universe Philippines ay ginawang "clunky platform monstrosities" ang sapatos nito sa Miss Universe prelims.
Narito ang screenshot ng mensahe ng netizen na binahagi ni Bragais sa kanyang Facebook:

JOJO BRAGAIS IS NOT THE SHOE SPONSOR FOR MISS UNIVERSE 2024
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, nilinaw ni Bragais ngayong Sabado ng gabi, Nobyembre 16, 2024, na hindi ang kanyang kompanya ang official shoe sponsor ng 73rd Miss Universe.
Kaya nagtataka ang international shoe designer kung bakit siya nabiktima ng online bashing at sinisisi sa hindi komportableng paglalakad sa entablado ng mga kandidata.
"I am not the shoe sponsor po for this edition of Miss Universe," paglilinaw ni Bragais sa Cabinet Files.
"I declined muna this edition," ang sabi ni Bragais na napilitang magsalita at magpaliwanag dahil dumarami ang bilang ng mga bumabatikos sa kanya, sa mga direct message at comments section ng iba’t ibang pageant-related sites.
November 16 ng gabi (November 17 sa Pilipinas) gaganapin sa Mexico City ang coronation night ng 73rd Miss Universe.
At dahil hindi siya ang official shoe provider ng pageant, naririto lamang si Bragais sa Pilipinas at panonoorin lamang niya sa telebisyon ang koronasyon bilang suporta kay Chelsea.

Read: Miss Universe 2024 candidates wearing Filipino creations
Maling-mali ang mga bumabatikos kay Bragais.
Maaaring nagkamali sila ng akala na siya ang official shoe sponsor ng 73rd Miss Universe dahil sa Chelsea metallic pair of platform heels na kanyang nilikha bilang tribute niya kay Chelsea.
November 13 nang ibahagi ni Bragais ang pictorial ni Chelsea suot ang metallic platform shoes na dinisenyo niya para sa pambato ng Pilipinas.

Kahawig ng disenyo ni Bragais ang suot na platform heels na ginamit ng Miss Universe 2024 candidates sa prelims.
JOJO BRAGAIS ON ROOTING FOR CHELSEA MANALO
Si Bragais ang isa sa mga unang nakapansin sa potensyal ni Chelsea nang sumali ito sa Miss Universe Philippines noong Mayo 2024.
Sa preliminary competition ng Miss Universe Philippines 2024, isa lamang ang special award na napanalunan ni Chelsea, ang Miss Jojo Bragais Choice Awardee dahil napahanga niya si Bragais sa shooting nila para sa ad ng Bragais Shoes.
Ikinuwento ni Bragais sa pamamagitan ng kanyang Facebook post na muntik nang hindi tumuloy si Chelsea sa pagsali sa Miss Universe Philippines 2024 dahil sa kakulangan ng pera.
"Super glowing sya nu’ng shoot namin kaya sabi ko sa self ko, si Bulacan @manalochelsea is our New Miss Jojo Bragais Choice Awardee for Miss Universe Philippines 2024,” ang pahayag ni Bragais.
Isa si Bragais sa mga sumuporta at nagpalakas ng loob ni Chelsea kaya itinuloy nito ang pagsali sa Miss Universe Philippines 2024.
And the rest is history.