Pumanaw na ang kilalang restaurant owner na si Roberto Bellini dahil sa matagal nang karamdaman nitong Linggo, Nobyembre 24, 2024.
Siya ay 84.
Si Roberto ang may-ari ng Bellini’s, ang sikat na Italian restaurant sa Marikina Shoe Expo, Cubao, Quezon City, na dinarayo dahil sa masasarap na pagkain.
Kinumpirma ng kanyang anak na si Joy Bellini ang malungkot na balita, sa pamamagitan ng Facebook post, ngayong Lunes, Nobyembre 25.
Nakaburol ang mga labi ni Roberto sa Loyola Memorial Park Chapels sa Marikina City.
Ihahatid naman siya sa kanyang huling hantungan sa Nobyembre 29.
Read: Mercy Sunot, lead vocalist of Aegis, dies of cancer at 48
FROM PAPARAZZO IN ITALY TO RESTAURATEUR IN THE PHILIPPINES
Regular na nakikita sa Bellini’s ang mga personalidad mula sa mundo ng pulitika at showbiz na kilalang-kilala si Roberto, na personal na inaasikaso ang mga parokyano ng kanyang negosyong binuksan noong 1999.
Ikinuwento ni Roberto sa Cabinet Files noon na photographer siya mula sa Italy na nagdesisyong manirahan nang permanente sa Pilipinas nang makilala niya ang kanyang asawa na si Maria Luisa dahil sa EDSA People Power Revolution noong 1986.
“Paparazzo” ang pagsasalarawan ni Roberto sa sarili nang makausap siya noon ng Cabinet Files dahil kabilang siya sa mga paparazzi na tumutugis para makunan ng litrato ang mga sikat na personalidad sa kanyang bansa.
Ayon kay Roberto, malaki ang bayad sa kanya kapag exclusive ang mga larawang kuha niya.
Makikita sa loob ng Bellini’s ang mga litrato na kuha ni Roberto noong aktibo pa itong photographer.

Dinarayo ang Bellini’s dahil sa masasarap na pasta, pizza, orange cake at higit sa lahat, sa personal na pag-aasikaso ni Roberto na parang isang matagal nang kaibigan sa tuwing nakikipag-usap siya sa mga kliyente ng kanyang restaurant.
Read: Korean actor Song Jae Rim dies at 39
ONE MORE CHANCE
Naging immortal ang Bellini’s nang kunan dito ang ilang mga eksena ng One More Chance, ang blockbuster movie nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz noong 2007.

Bago pa man ginamit ang Bellini’s sa One More Chance, nakaugalian na ni Roberto na lagyan ng pangalan ng mga sikat na kostumer niya ang mga silya sa kanyang restaurant.
Isa lamang si John Lloyd sa maraming mga artista na naging kaibigan ni Roberto.
Nang magdiwang ng kaarawan si Roberto noong Enero 3, 2024, nagbigay-pugay sa kanya ang aktor na nagpasikat sa karakter ni Popoy.
Mensahe noon ng aktor: “Di ako huminto sa pagdalaw sa lugar kung saan pinanganak si Popoy. nung mga panahong walang-wala at sadsad sa kumpyansa at tiwala sa sarili at sa kapwa, at isasantabi ko ang kadalian ng napakamapagpalayang papel ng lenguahe sa loob man ng isang masinsinang usapan sa pagitan ng hindi magkaintindihan gamit ang salita,siya lang marahil ang napili kong pakinggan at tunay na nagpaunawa ng halaga ng mayroon kang ginagawa.
“'You have to work John Lloyd.' - Roberto Bellini
"salamat kaibigan. salamat Roberto. maligayang kaarawan sa’yo. Nasa puso kita at isipan."