Opisyal na inanunsiyo ng pamunuan ng Viva Artists Agency (VAA) ngayong Biyernes, Disyembre 6, 2024, na ito ang mamamahala sa showbiz career ni Alfy Yan.
Si Alfy ang 19-year-old nephew ng pumanaw na aktor na si Rico Yan.
Alfonso Tueres ang tunay na pangalan ni Alfy.
Anak siya ni Geraldine, ang kapatid ni Rico.
Read: Rico Yan: remembering the matinee idol we lost in 2002
Ang malaking pagkakahawig ni Alfy kay Rico ang dahilan kaya nagkaroon agad siya ng mga tagahanga, kahit hindi pa siya pumapasok sa entertainment industry.
Hindi na naabutan ni Alfy si Rico dahil hindi pa siya isinisilang nang pumanaw ang kanyang tiyo noong Marso 29, 2002.
Tulad ni Rico, malaki ang potensiyal ni Alfy maging matinee idol dahil taglay niya ang mga katangian ng isang future heartthrob.

Kaya noon pa man, marami ang kumukumbinsi sa kanyang sundan ang yapak sa showbiz ng kanyang sumakabilang-buhay na tiyo.
Karagdagan si Alfy sa mga listahan ng young actors na contract star ng Viva Artists Agency, kabilang si Andres Muhlach.
Read: Rico Yan: Revisiting his brief life and career

CLAUDINE'S ROLE IN ALFY'S SHOWBIZ CAREER
Incidentally, malaki ang kinalaman ni Claudine Barretto sa pagpirma ni Alfy ng kontrata sa talent management arm ng Viva Entertainment dahil siya ang nagdala sa aspiring actor sa naturang agency.
Si Claudine ang ex-girlfriend ni Rico.
Hanggang ngayon, maganda ang relasyon niya sa naulilang pamilya ng aktor na nananatiling may espesyal na puwang sa kanyang puso.
Read: Claudine Barretto calls Rico Yan her "one great love"
