Aral para sa lahat ang nangyari sa 20-year-old Thai singer na si Chayada "Phing" Praohom.
Binawian ng buhay si Phing noong Linggo, Disyembre 8, 2024 dahil sa impeksyon sa dugo at pamamaga ng utak.
Read: Japanese actress Miho Nakayama found dead at 54
Nagresulta umano sa herniated cervical disc ang tatlong beses na pagpapamasahe, na may kasamang neck-twisting, ni Phing sa isang massage shop sa Isaan, Udon Thani, Thailand.
Ibinahagi ni Phing sa Facebook page nito, simula pa noong kalagitnaan ng buwan ng Oktubre 2024, ang mga nangyari nang magpamasahe siya dahil sa pananakit ng likod matapos ang isang pagtatanghal niya.
Pero imbes na gumaan ang pakiramdam, lalo raw naging malala ang kalagayan ni Phing kaya dinala na siya sa ospital.
Inilahad ni Phing sa isa sa mga Facebook post nito ang pagsisisi dahil sa kanyang pagpapamasahe.
Bahagi ng pahayag ni Phing, na isinalin sa Filipino, "Nakaramdam ako ng sakit kaya gusto ko lang ng masahe, pero hindi ko inaasahan na ganito kadelikado. Nawala ang pera ko sa masahe at sa kalusugan ko."
Read: Man dies after being scratched by pet cat

THREE NECK-TWISTING MASSAGE SESSIONS
Unang nakaramdam si Phing ng pananakit sa likod ng kanyang leeg, dalawang araw matapos ang unang pagkakataong nagpamasahe siya.
Ipinagwalang-bahala ni Phing ang sakit na naramdaman dahil inisip niyang normal na epekto lamang iyon ng masahe sa kanya.
Sa pangalawang pagkakataon, bumalik si Phing sa massage shop at muling nagpamasahe sa masahista.
Pero makalipas ang dalawang linggo, lalong tumindi ang sakit na nararamdaman niya dahil nahihirapan siyang humiga.
Sa pangatlong pagkakataon, bumalik si Phing sa massage shop at muling nagpamasahe sa ibang masahista.
Ayon sa kanyang Facebook post, ilang linggong namaga at nagkaroon ng pasa ang balikat niya.
Nang sumunod na araw, nakaramdam daw si Phing ng pamamanhid ng kanyang mga daliri, pananakit mula sa balikat hanggang sa mga binti niya.
Nawalan na rin ng pakiramdam ang kaliwang bahagi ng katawan ng Thai singer.
Hindi nawalan ng pag-asa si Phing na gagaling siya, pero sumakabilang-buhay siya noong Disyembre 8.
Read: Russian actress, patay matapos tangayin ng alon habang nagyo-yoga
MASSAGE SHOP'S WARNING
Sa panayam ng Channel 7 sa manager ng massage shop na pinuntahan ni Phing, sinabi nitong nag-umpisa ang negosyo nila noong 2005 at mga part-time worker ang karamihan sa kanilang mga masahista na pawang mga lisensyado.
Idinagdag ng manager na ang mga lisensyadong masahista ay sinanay upang maiwasan ang pag-twist, pag-flick, o pagbaluktot ng leeg ng mga kliyente.
Pero may ilang mga humihiling daw ng ganoong klase ng masahe.
Palagi rin daw niyang pinapayuhan ang mga kliyente na magpatingin agad sa doktor kung lumala ang kanilang mga sintomas, dahil ang mga masahe ay maaari lamang magbigay ng limitadong kaluwagan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Thai Police tungkol sa kaso ng pagpanaw ni Phing.
Gusto rin nilang matukoy ang pagkakakilanlan ng masahistang nagmasahe sa namatay na Thai singer.
Mabilis na kumalat sa buong mundo ang kuwento ng malagim na pagkamatay ni Phing nang dahil sa pagpapamasahe na isa nang malaking isyu at alalahanin.
Pinag-iingat ang lahat sa pagpapamasahe na maaaring magdulot ng panganib.
Ayon sa Thai neurologist na si Thiravat Hemachudha, posibleng magdulot ng paralysis ang neck twisting o ang masahe sa cervical spine.
Read: Roberto Bellini, founder ng Bellini's Restaurant, pumanaw na