Si Alfred Vargas ang nagwaging best actor sa Ima Wa Ima Asian International Film Festival na ginanap noong Disyembre 1, 2024 sa Sumiyoshi Main Hall sa Osaka, Japan.
Nanalo si Alfred para sa kanyang mahusay na pagganap sa Pieta (2023), ang mother-son suspense drama na pinagbidahan niya at ng award-winning actresses na sina Nora Aunor, Gina Alajar, at Jaclyn Jose.
Read: Alfred Vargas says no to any kind of harassment
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files kahapon, Disyembre 11, 2024, ikinuwento ni Alfred ang kaligayahang naramdaman sa tagumpay niya sa Ima Wa Ima Asian International Film Festival.
"I feel extremely honored kasi international award ito, and there’s this wonderful feeling inside me na proud na proud kasi Pilipino ako at na-represent ko ang bansa natin nang maganda by receiving this award.
"I felt emotional din that time kasi nakaupo sa harap ang only boy ko na anak na si Cristiano. Sinamahan niya ako buong gabi at nagbihis siya talaga ng tux!

"Actually, kasama ko rin sa Japan ang misis ko na si Yasmine and our bunso, si Aurora pero hindi na sila dumalo sa awards night.
"Nag-tour na lang kami together at nag-celebrate nang manalo ako."
Bukod sa siya ang bida ng Pieta, si Alfred ang producer ng proyekto.
Ang acting award na napanalunan niya mula sa nabanggit na international film festival ang nagbigay raw sa kanya ng inspirasyon para mag-produce pa ng mga dekalibreng pelikula.
"One hundred percent ang inspirasyon ko," sabi ni Alfred.
"Mas nakilala ko ang sarili ko bilang producer at marami na ang lumapit sa akin from other countries na producers, directors, and actor for possible co-production venture.
"Right now, meron kaming dine-develop ng team ko na scripts na love story, social issues-based at isang historical.
"Hindi pa namin alam kung kailan namin uumpisahan ang mga project, pero so far, yan ang line-up at open kami sa mga co-production."
Read: A touching moment at baptism of Alfred and Yasmine's baby Aurora
TRAVELING WITH KIDS
Sinamantala ni Alfred at ng kanyang pamilya ang pagkakataon nang bumiyahe sila sa Japan, dahil nang matapos ang gabi ng parangal, pinasyalan nila ang mga lugar na dinarayo ng mga turista.

Pagpapatuloy ng kuwento ni Alfred: "Ang sarap ng pagkain sa Osaka at ang pagpunta namin sa Nara Park to feed the reindeers ang aming favorite time!
"First time nina Cristiano and Aurora sa Japan kaya we took lots of photos at sobrang enjoy ang dalawa.
"Mukhang mga biyahero sila kasi super sarap nilang kasama sa biyahe. Wala silang mga reklamo at all.
"Pareho rin silang behave sa airplane, tahimik lang sa take-off and landing, hindi umiyak.
"Mukhang safe na kami ni Yasmine na isama ang aming apat na anak sa mga future travel namin!"