Napaluha si Regal Entertainment, Inc. producer Roselle Monteverde dahil napag-usapan ang kanyang pumanaw na mga magulang na sina Mother Lily Monteverde at Father Remy Monteverde sa Christmas party for the entertainment press na dinaluhan niya nitong Lunes ng umaga, Disyembre 16, 2024.
Sinabi ni Roselle na kahit saan siya magpunta, naaalaala niya ang kanyang mga magulang na magkasunod na pumanaw.
Binawian ng buhay si Father Remy noong Hulyo 29, 2024.
Namayapa si Mother Lily noong Agosto 4, 2024.
Ipinagluksa ng Philippine entertainment industry ang pagpanaw ng mag-asawa na malaki ang kontribusyon sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Read: Roselle Monteverde nagbigay-pugay kina Mother Lily at Father Remy

“We have been together for so long and I know na this relationship will go both ways talaga. It’s always been like that since my mom’s time.
"And every time, I would remember on occasions like this, I would remember her. Nakaka-miss talaga.
"So anywhere I go, nakaka-miss, kasi I always remember her.
“Yung legacy naman na naiwan niya sa amin is really to continue this business and to really help each other out,” pahayag ni Roselle, na tuluyan nang napaluha habang kausap siya ng entertainment press.
Read: Roselle Monteverde: "Regal Entertainment Inc. will still go on."
MY FUTURE YOU: REGAL'S ENTRY TO MMFF 2024
Ito ang unang Pasko na wala na ang kanyang mga magulang kaya ramdam na ramdam ni Roselle ang kalungkutan at labis na pangungulila sa nanay at tatay niya.
Pero kahit nasa kabilang buhay na sina Mother Lily at Father Remy, tila ginagabayan pa rin nila ang kanilang mga naulilang anak, pati na ang kompanyang iniwan nila.
Ang My Future You ang official entry ng Regal Entertainment sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ayon sa mga nakapanood sa proyekto nina Francine Diaz at Seth Fedelin, isa ito sa mga pinakamagandang pelikulang kalahok sa MMFF 2024 na puwedeng panoorin ng lahat dahil G (Genral Patonage) ang classification na ibinigay rito ng MTRCB.
Ang mga positibong review sa My Future You ang isa sa mga nakapagpapasaya kay Roselle.
Read: Metro Manila Film Festival 2024: Entries, lead cast, synopses
UP FIGHTING MAROONS: UAAP SEASON 87 BASKETBALL CHAMPION
Nadagdagan din ang kaligayahan ng Regal producer nang tanghaling champion sa Season 87 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang basketball team ng University of the Philippines.
Ang nakababatang kapatid ni Roselle na si Goldwin Monteverde ang coach ng UP Fighting Maroons kaya maligayang-maligaya siya.
“Ang sabi ng mommy ko, alagaan ko si Goldwin,” ani Roselle, na isang tunay na ate sa kanyang mga kapatid.
Ibinahagi ni Roselle sa Facebook post nito ang pagbati niya kay Goldwin at sa UP Fighting Maroons na nagwagi noong Linggo ng gabi, Disyembre 15.
“Sharing the cheers and triumph of Goldwin and UP team with my Dad and Mom in heaven.
“I am sooo happy for my brother Goldwin, all hard work and passion paid off.
"Congratulations to UP team ! I’m sure Mom and Dad are celebrating in heaven on your triumph."