Marami ang hindi makapaniwalang hindi man lang napansin ang Uninvited sa Gabi ng Parangal ng 50th Metro Manila Film Festival na ginanap sa Solaire Resort & Casino, Pasay City, noong Biyernes, Disyembre 27, 2024.
Pero bumati pa rin ng “Congratulations to all the winners!!!” ang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa lahat ng mga nagwagi, kahit pa hindi man lang nagkaroon ng anumang nominasyon ang kanyang co-star na si Aga Muhlach.

Si Vilma ang lead star ng Uninvited at siya ang best actress winner sa 49th Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon para sa When I Met You in Tokyo.

MMFF 2024 ACTING WINNERS' REACTIONS AND SPEECHES
Hindi man nanalo si Vilma sa Gabi ng Parangal ng 50th MMFF, nagkatotoo pa rin ang mga hula na isang Santos ang magwawagi na pinakamahusay na aktres sa katauhan ni Judy Ann Santos, ang bida sa Espantaho.
Napaluha si Judy Ann nang tanggapin nito ang kanyang best actress trophy.
Walang kumontra sa tagumpay niya dahil karapat-dapat siyang magwagi.
Magandang-maganda si Judy Ann nang umakyat sa entablado para kunin ang pangatlong best actress award niya mula sa Metro Manila Film Festival.
Unang napanalunan ni Judy Ann sa 32nd Metro Manila Film Festival noong 2006 ang best actress award para sa Kasal, Kasali, Kasalo.
Muling nagwagi si Judy Ann na best actress sa 45th Metro Manila Film Festival noong 2019 para sa Mindanao.
Si Dennis Trillo ang isa sa mga unang bumati kay Judy Ann nang tawagin ang pangalan nito bilang best actress ng 50th MMFF.

Naalala ng fans na sila ang mga bida sa Aishite Imasu 1941 (Mahal Kita), ang official entry ng Regal Entertainment Inc. sa 30th Metro Manila Film Festival noong Disyembre 2004.
Si Dennis ang tinanghal na best supporting actor sa 30th Metro Manila Film Festival.
Nanalo siyang best actor para sa One Great Love sa 44th Metro Manila Film Festival noong Disyembre 2018, at sa ikalawang pagkakataon, nagwagi na pinakamahusay na aktor para sa Green Bones ng GMA Pictures.
Nakuha ni Ruru Madrid ang unang best supporting actor award nito mula sa 50th Metro Manila Film Festival para sa karakter na ginampanan niya sa Green Bones.
Kabilang sa mga pinasalamatan ni Ruru ang girlfriend nitong si Bianca Umali na napaluha dahil sa nararamdaman na kaligayahan.
Nang matapos ang acceptance speech ni Ruru, ang ex-girlfriend niyang si Gabbi Garcia, na isa sa mga hosts ng Gabi ng Parangal ang tuwang-tuwang bumati ng, “Congratulations, Ruru Madrid. We’re truly proud of you!”

Sa mga nanalo ng parangal, ang best supporting actress winner na si Kakki Teodoro ng Isang Himala ang pinakahanda dahil nagawa niyang banggitin ang pangalan ng lahat ng mga taong dapat niyang pasalamatan.
Si Kakki ang isa sa mga nagbigay ng pinaka-sinserong talumpati na sinimulan niya sa pamamagitan ng pagpapakilala sa sarili, “Ako po si Kakki Teodoro, ako po ay 37 years old, ako po ay mula sa mundo ng teatro.”
Ilan lang ito sa mga kaganapan sa golden edition ng annual film festival, na taun-taon ay hindi nawawalan ng kontrobersiya at intriga.
Taun-taon, parating nahahati ang opinyon ng publiko sa mga resulta.
Pero may epekto ba ito sa box-office sales sa mga susunod na araw? Abangan natin.
Read:
REVIEW: Espantaho’s strength is in the power of three
REVIEW: Green Bones, a guaranteed tearjerker
REVIEW: Isang Himala shines with powerhouse performances
REVIEW: Topakk delivers a visual feast, strong acting performances
REVIEW: Uninvited, a gripping masterpiece of revenge
REVIEW: Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital, the horror movie for your squad
REVIEW: My Future You, an emotional rollercoaster worth watching