May mga taong nahimatay dahil sa sobrang pagod at naipit sa nagsisiksikang mga deboto ng Nuestro Padre Jesús Nazareno, na kilala rin sa tawag na Black Nazarene, sa Traslacion 2025 na nagaganap sa Quiapo, Maynila, ngayong Huwebes, Enero 9.
Libu-libong tao ang lumahok sa Traslacion kaya hindi naiwasang may mga nasaktan habang hinihila ang lubid at nagpupumilit ang ibang makasampa sa andas na kinalalagyan ng Black Nazarene.
Read: Traslacion 2025: No climbing on statue base of Black Nazarene

Tumagal ng dalawang oras bago nakarating sa Ayala Bridge ang andas.
Ito ay dahil sa mabagal na kilos na resulta ng maraming taong nakayapak, nag-uunahan na makasampa at malapitan ang Poon na pinaniniwalaan nilang gumagawa ng mga milagro sa mga deboto.


IBA'T IBANG EKSENA SA TRASLACION 2025
Mula sa lugar na kinatatayuan namin sa Carlos Palanca St., nakita namin ang mga kababayan nating hindi alintana ang mainit na panahon at nakahiga na lamang sa kalsada habang hinihintay ang pagdaan ng Traslacion.

Masangsang ang mapanghing amoy ng paligid dahil sa mga kalalakihang umiihi na lamang sa pader.

Malakas ang hiyawan ng mga taong nag-uunahan sa pagsalo sa mga inihahagis na libreng bottled water.

Nagkalat din ang mga basura na basta na lamang itinatapon sa kalsada.

Nagkaroon ng pandemonium nang dumaan sa harap namin ang imahe ng Poong Nazareno dahil lalong nagkagulo ang mga tao kaya halos magkaroon ng stampede.
Kitang-kita namin ang mga kalalakihang nag-uunahang makasampa sa andas at parang mga bolang inihahagis ng mga kasama nila.
May mga nahuhulog mula sa andas pero himalang hindi nasasaktan dahil sinasalo ng dagat ng mga tao.

Halos masira ang rehas na bakod ng kapilya ng Nuestra Senora Del Rosario Chapel na kinaroroonan namin dahil sa mga taong nagtutulakan at tuluyan nang nawalan ng disiplina.
Read: Mga deboto ng Poong Nazareno, dumagsa para sa Pahalik 2025

Abalang-abala ang mga medic sa pagliligtas sa mga taong nawalan ng malay na nakahiga sa stretcher.
Mabilis ang mga galaw at pagtakbo ng magigiting na medics para dalhin sa ambulansya ang mga nahimatay.

May mga magulang na bitbit ang kanilang mga sanggol na anak habang naglalakad at nakabilad sila sa mainit na sikat ng araw.

Nakabibilib ang debosyon na ipinamamalas ng mga Pilipino sa Poong Nazareno.
Kahit alam nilang mapanganib, nakikipagsisiksikan sila para makalapit sa imaheng pinaniniwalaan nilang gumagawa ng mga himala sa kanilang buhay.