Mula sa pagganap sa karakter ni Lods (Hesus Kristo) sa Rewind noong 2023, ang katauhan naman ni Satanas ang ginagampanan ni Pepe Herrera sa pelikulang Sampung Utos Kay Josh.
Ang Sampung Utos kay Josh ay pinagbibidahan nina Pepe at Jerald Napoles, at ipalalabas sa mga sinehan sa Enero 29, 2025.
Read: Lala Sotto justifies X ratings of Alipato at Muog, Dear Satan
Hindi madali para kay Pepe gumanap na demonyo dahil hindi ito ikinatuwa ng tatay niya, kahit walang intensiyong makainsulto ng tao ang kanilang pelikulang mula sa direksiyon ni Marius Talampas.

Lahad niya: “Yung role ko, yun ang maaaring maka-offend. I think, yung fear, wala naman kasi wala naman kaming intensiyong maka-offend.
"Pero kung merong ma-offend, which is a possibility, e, di magso-sorry tayo, and then we will explain na the intention is not to offend.
“The intention is to entertain and impart lessons.
"Actually, to be completely honest, ngayon pa lang, hindi pa ipinapalabas yung trailer, ipinakita ko pa lang sa tatay ko, yung tatay ko na-offend.
“Sabi niya, ‘Ano ba yan anak, ipinu-promote mo si Satanas? Bakit ka naman tumanggap ng ganyang role? Nag-Lods ka na…’
“Kahit na gaanong paliwanag namin ng kapatid ko, 'Hindi, Tay, comedy lang yon. Si Marius ang gumawa, hindi ba kaibigan yon ni Pepe, matagal na?’
“We’re trying to comfort him and assure him. Pero sabi niya, ‘Hindi, anak…”
Pagpapatuloy ni Pepe, “Talagang kontra siya.
“Alam mo yung malumanay pero alam mong troubled siya. Sarado-Katoliko kasi siya.
“Siyempre mahal niya ako pero hindi niya talaga panonoorin.”
Read: MTRCB says X-rating for Dear Satan is final

PEPE HERRERA ON PLAYING LODS AND SATANAS
Alin ang mas mahirap gampanan: ang karakter ni Lods o ni Satanas?
“Mahirap magkumpara,” reaksiyon ni Pepe.
“Sa physicality, mas mahirap ho yung demonyo kasi naapektuhan ang tatay ko.
“Proud na siya, e. Proud na siya sa Lods.
"Talagang kapag may nagpa-picture sa akin, hihirit pa siya ng ‘Siya yung gumanap na Lods sa Rewind.’
“Gumaganoon siya tapos mahihiya ako, 'Tay!’”
Ang kuwento ni Pepe tungkol sa pagkontra ng kanyang ama sa pagganap niyang Satanas sa Sampung Utos kay Josh ang dahilan kaya hindi napigilan ng co-star nilang si GB Labrador na magkomento.
Mahusay ring magpatawa si GB kaya napahalakhak sa kanyang hirit ang mga dumalo sa media conference ng Sampung Utos Kay Josh.

“Ang feeling niya [tatay ni Pepe] kasi galing ka sa award, sa Lods, may award ka tapos nagpasalamat sa Diyos yung tatay mo.
“E, paano kung magka-award ka dito [bilang Satanas sa Sampung Utos Kay Josh], di ba? Paano siya magpapasalamat sa Diyos?
“So, medyo may dilemma, may dilemma kung iisipin mo, di ba, 'Lord, salamat pinag-role niyo siya na demonyo.'
“Ang hirap, mahirap siyang ipagpasalamat sa Diyos,” may puntong na opinyon ni GB.
Nanalong best supporting actor si Pepe para sa kanyang pagganap sa Rewind sa 1st Manila International Film Festival.
Read: MIFF Awards Night: Dingdong Dantes, Piolo Pascual tie for Best Actor; Vilma Santos wins Best Actress