Humingi ng paumanhin ang congressman na anak ni Senator Raffy Tulfo dahil sa paglabag nito sa pagdaan sa EDSA busway noong Enero 23, 2025.
Si Ralph Tulfo ang kinatawan ng ikalawang distrito ng Quezon City sa Kongreso.
Sa isang Facebook post noong Martes, Enero 28, inihingi ni Ralph ng paumanhin ang pagdaan ng kanyang sasakyan, na minamaneho ng driver niya, sa lane na nakareserba lamang sa mga bus.
Read: Richard Gomez faces backlash for comment about EDSA traffic
Itinanggi ni Ralph na nagbanggit o gumamit siya ng pangalang nasa posisyon at inabuso ang kanyang awtoridad para makalusot sa insidente.
Nabayaran na rin daw ang kaukulang multa sa ginawa niyang paglabag.
Nakasaad sa pahayag ng anak ni Senator Tulfo: “Lubos po akong humihingi ng paumanhin sa publiko, lalo na sa mga naapektuhan at naabala ng insidente kamakailan kaugnay sa pagdaan ng aking sasakyan sa EDSA bus lane.
“Nais ko lamang pong linawin na WALANG naganap na pagbanggit o paggamit ng pangalan ng sinumang nasa posisyon.
"WALA rin pong nangyaring anumang pang-aabuso sa awtoridad para makalusot o mapawalang-sala sa insidenteng ito.
"Sa halip, tinanggap po namin ang tiket at ang aming pagkakamali nang walang pag-aalinlangan.
“Nabayaran na rin po ang kaukulang multa at sasailalim sa kinakailangang seminar upang higit na maunawaan at maipaalaala ang umiiral na batas trapiko.
“Muli, taos-puso po akong humihingi ng inyong paumanhin at pang-unawa. Nangangako po akong gagawin ko ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang ganitong uri ng pagkakamali sa hinaharap.
"Maraming salamat po.”

Napag-alamang hindi ito ang unang pagkakataong nilabag ng tagapagmaneho ng kongresista ang pagdaan sa EDSA busway.
Noong Setyembre 26, 2024, nahuli rin ang driver ni Ralph nang gamitin nito ang EDSA busway.
Ang sumusunod ang multa sa ilegal na pagdaan sa EDSA busway:
First offense - PH5,000
Second offense - PHP10,000 with one-month suspension of driver's license and mandatory road safety seminar
SENATOR RAFFY TULFO DEFENDS SON
Sa panayam kay Senator Raffy Tulfo, iginiit nitong hindi abusado, hindi nagsinungaling, at hindi nagmura ang kanyang anak.
Pero pinagalitan daw niya ito dahil sa pagkakamaling ginawa.
Si Senator Tulfo ay host din ng public-service program na Wanted Sa Radyo, na nag-iimbestiga at nagsisiwalat ng mga pang-aabuso, pagsisinungaling, at exploitation, at maging pagtatalo sa pamilya.
Saad ng senador at broadcaster, “Kung hindi tumakas, wala akong nakikitang problema.
"Kapag hindi siya nang-abuso, hindi nagmura, wala kaming problema.
"At naka-otso ba ang plaka niya, hindi?” pagtukoy ng senador tungkol sa mga plaka ng mga miyembro ng Kongreso.
Dagdag pa ni Raffy: “Well, in-admit naman niya, hindi siya nagsinungaling. Nag-apologize siya.
"So, wala akong nakikitang problema dun.
"As long as hindi siya tumakas, hindi siya gumamit ng plakang 8, which karapatan niyang gumamit pero hindi siya gumamit.
"It just shows na hindi siya abusado.
“Ang pagkakaalam ko ata, nagmamadali siya, yung driver niya pumasok dun sa busway.
"Pinagalitan ko siya, pinagsabihan ko, pinagalitan ko. Nag-sorry siya sa akin.
"Ang sabi ko, mag-apologize siya sa lahat, and that’s it.”
Read: Raffy Tulfo, binantaan ang TV5 na magpapatawag ng Senate hearing
SENATOR TULFO BLAMED MMDA ENFORCERS IN A 2024 INCIDENT
Sa isang press briefing sa Senado noong Nobyembre 5, 2024, sinisi ni Senator Raffy Tulfo ang mga tauhan ng MMDA dahil sa kaso ng pasaherong kamag-anak ng isang senador na nagdaan sa bus lane.
Hinikayat niyang lumantad at humingi ng paumanhin ang pasaherong kamag-anak ng senador.
Matapang na pahayag noon ng senador at broadcaster: “Kamag-anak ng isang senador.
"Ang nakakainit ng ulo rito ay itong MMDA.
"Itong MMDA, kapag nagpatawag ako ng hearing in aid of legislation, ito ay mapiprito. Yung pritong sunog.
“Kasi nga, ayaw nilang mag-provide ng CCTV footage. Very uncooperative itong MMDA.
"Parang meron silang itinatago. Parang meron silang pinagtatakpan. Why?
“At nakapagtataka na palaging may nakakatakas sa bus lane na yan.
"Anong ginagawa ng motorcycle unit ng MMDA?
"Palagay ko, ginagamit itong pang-escort sa mga VIP na dapat, ginagamit yan sa trabaho, paghabol, panghuli ng traffic violators.
“Nagagamit ito, sa aking information, para mag-escort ng VIPs, mag-escort ng mga patay, mag-escort kapag may mga binyag, kasal, et cetera.
"Magigisa itong MMDA sa akin.”
Dalawang buwan bago ito, nahuli sa unang pagkakataon ang driver ng sasakyan ng anak na congressman ni Senator Tulfo dahil sa paglabag sa pagdaan sa EDSA busway.
Makalipas ang mahigit dalawang buwan, nahuling muli ang sasakyan ng anak ng senador dahil sa parehong paglabag.
Read: Former TV5 program manager files cyberlibel vs Tulfo, TV5 execs