“Maging masaya ang lahat.”
Ito ang birthday wish ni Marvin na nagdiwang ng ika-46 kaarawan noong Miyerkules, Enero 29, 2025.
Hindi nagkaroon ng birthday party si Marvin dahil, ayon sa kanya, naglaro lamang siya ng golf.
Mula rito, nagtrabaho na sila ni Jolina Magdangal para sa promo ng Ex Ex Lovers, ang romantic comedy at reunion movie nila na ipapalabas sa mga sinehan sa Pebrero 12, 2025.
“Binati nila ako pero halatang scripted,” nagbibirong sabi ni Marvin sa Cabinet Files.
Tinanong naman namin si Jolina kung ano ang birthday gift niya sa kanyang perennial loveteam,
“Patience,” mabilis na sagot ng actress-TV host.
Read: Jolina Magdangal "kinikilig" about love team with Marvin Agustin
Nakausap ng Cabinet Files sina Marvin at Jolina sa studio ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes ng hapon, Enero 30.
Nang malaman ng mga empleyado ng GMA Network na sila ang mga bisita ni Boy Abunda, inabangan nila sina Marvin at Jolina para magpakuha ng litrato at video kasama ang kanilang mga iniidolong artista.
Bakas sa mukha nina Marvin at Jolina ang kaligayahan dahil hindi nila inaasahan ang mainit na pagtanggap sa kanila.
Nasa tamang panahon ang muling pagtatambal nina Marvin at Jolina sa Ex Ex Lovers dahil nasabik nang husto sa loveteam nila na sumikat noong dekada ’90 ang kanilang mga tagahanga.
Read: Marvin Agustin nadiskubre ang pagiging selosa ni Jolina Magdangal

MARVIN AGUSTIN OWES SHOWBIZ A LOT
Hindi makapaniwala si Marvin na 46 years old na siya.
Seventeen ang kanyang edad nang magsimula ang showbiz career niya.
Tumatanaw si Marvin ng malaking utang na loob mula sa showbiz dahil ito ang naging instrumento ng Panginoong Diyos para matupad ang lahat ng mga pangarap niya para sa sarili at sa kanyang pamilya.
Naging matagumpay rin ang mga negosyo ni Marvin dahil sa entertainment industry na pinanggalingan niya.
“Mahal ko talaga ang industriya,” puno ng sinseridad na pahayag ni Marvin.
“Itong industriya na to, ito yung nagbago ng buhay ko.
"Dito ako natuto, dito ako nasaktan, umibig, nasiraan ng ulo.
"I don’t think makakalimutan mo yung experience na yon."
Read: Marvin Agustin open to the idea of marriage; happy with just two kids