Hindi matutuloy ang pagbubukas sa mga sinehan ng The Rapists of Pepsi Paloma sa darating na Miyerkules, Pebrero 5, 2025.
Ang The Rapists of Pepsi Paloma ang kontrobersiyal na pelikula ng direktor na si Darryl Yap tungkol sa buhay ng yumaong bold star na si Pepsi Paloma.
Kinumpirma ni Yap ang balita sa pamamagitan ng Facebook post niya ngayong Lunes, Pebrero 3, 2025.
Nabigo raw siyang makumpleto ang mga dokumentong hinihingi ng MTRCB.
Read: MTRCB, nilinaw na hindi pa nire-review ang Pepsi Paloma movie

Pahayag niya: “Ipinaaabot ko po sa lahat ng nakasubaybay na bigo po ang panig ng inyong lingkod na agarang makumpleto ang mga dokumentong hinihingi ng pamunuan ng MTRCB kaya’t imposible pong maipalabas ang ating pelikula sa February 5."
Ayon sa direktor, maaaring maunang ipalabas ang The Rapists of Pepsi Paloma sa labas ng bansa o sa streaming platforms.
“Pinag-iisipan na rin ang posibilidad na maunang maipalabas ito sa labas ng bansa o ipagpaliban na ang pagpapalabas sa sinehan at mag-pokus na lamang sa streaming platforms.
“Kung anu’t anuman ay agad itong malalaman ng publiko. Maraming salamat po,” kabuuan ng anunsiyo ni Yap tungkol sa kinahinatnan ng kanyang pelikula.
Idinagdag ni Yap sa kanyang Facebook post na puno na ang mga buwan ng Pebrero at Marso, kaya makahahanap lamang siya ng screening dates ng pelikula niya kapag nakumpleto ang mga dokumentong hinihingi ng MTRCB.
Read: Darryl Yap nag-react sa statement ng MTRCB tungkol sa Pepsi movie
PENDING COMPLAINTS VS DARRYL YAP
Certificate/Clearance of No Pending Criminal, Civil, or Administrative Case na galing sa Regional Trial Court ng Muntinlupa City, Department of Justice, at Office of the City Prosecutor ng Muntinlupa City ang mga dokumentong hinihingi ng MTRCB mula sa producer ng The Rapists of Pepsi Paloma.
Ito ay dahil sa mga kontrobersiya at reklamong kinasasangkutan ng pelikula ni Yap.
Labingsiyam na bilang ng reklamong cyber libel ang isinampa ni Vic Sotto laban kay Yap noong Enero 9, 2025 sa Office of the City Prosecutor ng Muntinlupa City.
Bunsod ito ng teaser ng The Rapists of Pepsi Paloma na nagbanggit sa pangalan ng beteranong komedyante at host ng Eat Bulaga!.
Tatlumpong milyong piso (PHP30 million) ang halaga ng damages na hinihingi ni Sotto para sa diumano’y “malicious at defamatory statements” ni Yap.
Read: Vic Sotto files 19 counts of cyber libel against Darryl Yap