Agad na inihingi ng paumanhin ni Boy Abunda ang hindi sinasadyang pagmumura ni John Arcilla sa live telecast ng Fast Talk With Boy Abunda nitong Huwebes ng hapon, Pebrero 5, 2025.
Labis na nadala si John ng kanyang emosyon nang alamin ni Boy ang magiging sagot niya sa tanong na “What makes you angry?”
Sasagutin ni John ang katanungan sa tonong umaarte bilang aktor ang hamon ni Boy.
Galit at pasigaw na sinabi ni John: “Yung mga nagsasamantala ng maliliit na tao at walang pakialam sa paghihirap ng iba! Punyeta!!!!”
Matapos magbitaw ni John ng salitang tumatak sa kanya nang gampanan niya ang katauhan ni Heneral Luna sa pelikulang ipinalabas sa mga sinehan noong 2015, humingi agad ng pasensiya si Boy mula sa manonood.
Read: John Arcilla echoes Heneral Luna in impassioned speech at Leni-Kiko rally

BOY ABUNDA APOLOGIZES
“Nay, Tay, Kapuso, patawad po dun sa word na may ‘P’ ni John. It was in context," sabi ni Boy.
“Sorry, I’m sorry. Live nga pala ito. Ipinasok ko lang po si Heneral Luna,” reaksiyon ni John nang marinig nito ang paghingi ni Boy ng paumanhin.
Nagkamali si John ng akala na taped as live ang guesting niya.
Noong nakaraang taon kasi ay pre-recorded ang naunang panayam sa kanya ni Boy para sa afternoon showbiz talk show ng GMA-7.
Ayon kay Boy, nadala lamang si John ng emosyon kaya humingi siya ng dispensa at inako niya ang buong responsibilidad.
Si John at ang kanyang Lolong: Bayani ng Bayan co-star na si Martin del Rosario ang mga bisita ni Boy sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes.
Huli na nang mapagtanto ni Martin na nagbitaw ng maanghang na salita si John.
Nang humingi si Boy ng paumanhin, saka lamang nagrehistro sa kanyang mukha ang pagkabigla.
Read: John Arcilla returns to GMA-7 after 9 years
