“I am back to work,” ang sabi ni Yassi Pressman sa story conference ng Isolated, ang horror movie na pagbibidahan nila ni Joel Torre na mula sa panulat at direksyon ni Benedict Mique.
Ang Video City: Be Kind, Please Rewind ang huling pelikula na ginawa ni Yassi at ipinalabas sa mga sinehan noong Setyembre 20, 2023, kaya masaya siya para sa bagong proyekto na ipinagkatiwala sa kanya ng Viva Films.

Natuwa si Benedict nang malaman nito na si Yassi ang makakatrabaho niya dahil “appealing" para sa kanya ang 29-year-old actress.
“Exciting yung cast kasi si Yassi Pressman.
"At first, si Yassi yung unang sinabi sa akin. Sabi ko, 'Wow, okay!' kasi kapag nakikita ko si Yassi, parang ang appealing niya.
“Coming from Ang Probinsyano and coming from Black Rider, saka yung sa social media niya, parang exciting niyang paglaruan as an actress,” pahayag ni Benedict nang makausap siya ng Cabinet Files sa story conference ng Isolated na naganap noong Biyernes, Pebrero 7, 2025.
Nabuo ang kuwento ng Isolated nang makatanggap si Benedict ng tawag mula kay Viva Films producer Val del Rosario bago matapos ang 2024.
Agad na nagsulat si Benedict at ang kanyang grupo ng konsepto na nagustuhan ng mga executive ng Viva Films kaya mabilis na naaprubahan ang proyekto na kanilang ipinirisinta.
“Nakakatuwa naman nung sinulat namin yung concept, ang ganda ng reaction ng Viva at ni Yassi.
“Natuwa sila sa script. Actually, natuwa rin kami nung ginagawa namin. We didn’t expect na it’s gonna be that exciting and thrilling.
“Nauna pa nga yung paghahanap namin ng location kesa sa script.
"It’s a resort sa Antipolo na nakakatakot. Wala pa kaming script but we need a location kasi Isolated, di ba?” lahad ni Benedict na naging mapagbigay sa pagbabahagi ng kuwento ng bagong pelikula na uumpisahan niya ang shooting sa Pebrero 16, 2025.
“Isolated is the story of Rose [Yassi] na like the usual nurse sa Pilipinas, naghahanap ng mas malaking income sa buhay. Alam niyo naman dito, ang baba ng income ng nurses.
“Mababa ang income niya, wala siyang pera na pang-asikaso ng papeles to go abroad, so nakahanap siya sa online ng ad na naghahanap ng parang caregiver or nurse para sa isang matanda [Joel].
“Nung pinuntahan niya, nagulat siya kasi ang layo pala ng lugar. Pagdating niya sa town, dinala pa siya sa mas isolated na lugar.
“It’s an old resort na ang nakatira lang, matanda na parang Fil-Am at ex-US navy. Medyo demented na, mahina na, so inumpisahan niya na alagaan.
"That’s when she started to feel na may kakaiba sa resort na hindi alam ng matanda.”