Children’s book author na ang GMA News entertainment reporter na si Nelson Canlas dahil magkasama nilang isinulat ni Dr.Isabel Cabel Moreno-Go ang Si Migoy, Ang Batang Tausug.
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, inilahad ni Nelson na sinimulan nito noong nakaraang taon ang pagsusulat ng nabanggit na libro dahil ito kanyang naisip na Christmas gift para sa partner niya na si Chef Miggy Cabel Moreno.
“First quarter pa lang ng 2024, iniisip ko, ireregalo ko kay Miggy by Christmas. Plano ko lang naman, apat na pages, wala akong plano na i-release.
“E, nung nabuo yung concept, sige i-release na natin publicly. Dun na nagkaroon ng mga fact checking,” sabi ni Nelson.
Mula sa orihinal na plano na apat na pahina lamang ng Si Migoy, Ang Batang Tausug, umabot ito sa dalawampu’t dalawa, kaya naranasan ni Nelson ang mga hamon sa pagsusulat ng children’s book.

“The challenge is, kapag children’s book, sobrang simple. Kasi kailangan, gets ng mga bagets. Ilang beses na bumalik sa akin yung manuscript hanggang sa ginawang simple at ma-reach namin na ganito kasimple.
“Plus ang sobrang pinaka-challenging is the Tausug translation. It took around four or five returns sa akin kasi hindi ako masyadong nakakaintindi ng Tausug. I know just a few words pero iba yung translation.
"Parang word for word hanggang ma-reach namin yung daily conversation translation ng Tausug.”
Ano ang naramdaman niya nang makita ang unang kopya ng kanyang pambatang libro? Napaluha ba siya?
“Hindi. Mas naiyak si Miggy. When I first saw the copy, sa totoo lang, kinabahan ako kasi meron akong imposter syndrome. So ang feeling ko, parang hindi naman maganda yung book.
“Binalikan ko yung publisher ko. Sabi ko, 'Sigurado ka ipa-publish natin? Puwedeng apat na kopya na lang? Balik tayo sa original idea?
“Apat na piraso lang ang gusto kong i-print. Isa para kay Miggy, Christmas gift ko sa kanya. Isa sa nanay niya, isa sa nanay ko, at siyempre yung isa, iki-keep ko.
“From four copies, nadagdagan na. Our first batch was two hundred copies, sold out. Nagpi-print kami ngayon ng 1,000 copies uli so I am really thankful.
“The book is priced at PHP425.00, colored and nakaka-appreciate kasi ang daming mga bata ang natututo,” pahayag pa ni Nelson.
Maligaya ang pakiramdam niya ngayon dahil natupad ang pangarap niyang makalikha ng isang children’s book na maaari nang mabili sa mga sangay ng Fully Booked.