Naniniwala ang 88-year-old Catholic church leader na si Pope Francis na hindi na magtatagal ang buhay niya kaya pinaghahandaan na ang kanyang burol at libing.
Mula pa noong Biyernes, Pebrero 14, 2025, nakaratay na si Pope Francis sa ospital ng Gemelli sa Rome, Italy, dahil sa matinding pananakit ng dibdib na resulta ng malubhang impeksiyon sa paghinga.
Read: Pope Francis rocks as the People's Champ
Kinumpirma ng The Vatican na may pulmonya si Pope Francis sa kanyang magkabilang baga.
Pinalala ito ng asthmatic bronchitis na nangangailangan ng cortisone at antibiotic treatment.
Inilahad ng The Vatican sa opisyal na pahayag nitong nananatiling kumplikado ang kalagayan ng kalusugan ng Santo Papa: “Laboratory tests, chest X-ray, and the Holy Father’s clinical condition continue to present a complex picture.”
Labis itong nakababahala dahil inalis ang bahagi ng baga ni Pope Francis noong kabataan nito kaya mas mapanganib ang karamdaman niya sa paghinga.
Ayon sa ulat ng Blick, isang pahayagan sa Switzerland, isinailalim na sa curfew ang Swiss Guard bilang paghahanda sa posibleng pagpanaw ni Pope Francis.
Ang Swiss Guard ang nangangalaga sa seguridad ng pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katoliko.
Read: Meet Sebastian Eviota, first full-blooded Pinoy na member ng Pontifical Swiss Guard
Nakasaad sa ulat ng Blick na naghahanda na ang Vatican sa funeral rehearsal para kay Pope Francis na isang makasaysayang sandali para sa mga Katoliko.
Diumano, tanggap ni Pope Francis ang lumalalang kalagayan ng kalusugan nito.
Ito ang dahilan kaya sinabi niya sa dalawang malapit sa kanya, “I might not make it this time.”
Minsan nang sinabi ni Pope Francis na nakahanda na ang paglilibingan ng kanyang mga labi, kung sakaling bawian na siya ng buhay.
Sa kabila ng malubhang kalagayan ng Santo Papa, hinihiling ng Simbahang Katoliko na patuloy na ipagdasal ang kanyang kalusugan at paggaling.
Read: Pope Francis, humiling ng dasal para sa "very ill" na si Pope Benedict XVI
POPES WHO VISITED THE PHILIPPINES
Jorge Mario Bergoglio ang tunay na pangalan ni Pope Francis.
Nag-umpisa ang panunungkulan niya bilang pinuno ng Simbahang Katoliko at Vatican City State noong Marso 13, 2013.
Pangatlo si Pope Francis sa mga pontiff na bumisita sa Pilipinas.
Una si Pope Paul VI noong 1970.
Sinundan ni Pope John Paul II na dalawang beses dumalaw sa ating bansa — noong 1981 at 1995.
Limang araw namalagi si Pope Francis sa Pilipinas, mula Enero 15 hanggang Enero 19, 2015.
Read: #PopeFrancisPH: The People's Pope in the Philippines

Kabilang ang Tacloban, Leyte, sa kanyang mga pinuntahan.
Kasama niyang nananghalian ang mga Pilipinong nakaligtas mula sa Typhoon Yolanda, isa sa mga pinakamalakas na bagyo na kumitil ng mga buhay at sumira ng mga ari-arian noong Nobyembre 7, 2013.