Nag-taping ang cast ng Incognito sa Japan para sa mga kabanata ng kanilang action-drama series na nangunguna ngayon sa Netflix Philippines.
Umalis ng Pilipinas ang mga artista ng Incognito noong Pebrero 14, 2025. Bumalik sila mula sa Japan ngayong Martes, Pebrero 25.
Read: Baron Geisler all praises for Incognito co-stars

Sa mga pangunahing tauhan ng Incognito, tanging si Baron Geisler ang hindi kasama sa Japan.
Palaisipan ito sa mga sumusubaybay sa action-drama series ng ABS-CBN na napapanood din sa TV5 at Kapamilya Channel.
Tanging si Baron at ang production staff ng Incognito ang makasasagot sa tanong tungkol sa “no-show” niya sa taping sa Japan ng programang pinagbibidahan nila nina Daniel Padilla, Richard Gutierrez, Maris Racal, Anthony Jennings, Kaila Estrada, at Ian Veneracion.
BARON GEISLER ARRESTED IN CEBU
Lumabas ang mugshot ni Baron noong Lunes, Pebrero 24, dahil inaresto siya ng Mandaue City Police sa Cebu bunga ng reklamong drunken disturbance sa insidenteng nangyari umano noong Sabado ng madaling-araw, Pebrero 22, 2025.
Pero pinalaya rin ang aktor matapos magbayad ng limandaang pisong piyansa.
Sa Facebook post niya noong Lunes, sinabi ni Baron, “I am seeking legal advice to address this properly.”
Diumano, maraming maling impormasyong kumakalat tungkol sa pag-aresto sa kanya.
Ngunit hindi pa niya idinedetalye ang kanyang panig tungkol sa insidente.
Read: Baron Geisler, umalma sa mga pekeng balita umano sa kanya
Kung kasama si Baron sa mga artista ng Incognito na nag-taping sa Japan, tiyak na iba ang naging scenario.
Hindi siya masasangkot sa gulo at irereklamo ng pagwawala dahil sa kalasingan.
BARON'S DAUGHTER SOPHIA
Noong Lunes, Pebrero 24, lumipad si Baron sa Maynila dahil dumalo siya sa story conference ng bagong proyekto niya, ang horror movie na Tag-Ulan.
Kasama ni Baron sa idinaos na story conference si Sophia Asistio, ang anak niya kay Nadia Montenegro.
Ang closeness ni Sophia sa asawa ni Baron na si Jamie Evangelista ang napansin ng mga saksi sa storycon dahil maganda ang relasyon nila sa isa’t isa.
Nakatira si Sophia sa bahay ni Baron sa Pasig City dahil malayo sa tahanan ni Nadia sa Caloocan City ang school na pinapasukan ni Sophia bilang Grade 12 student.
Ang paninirahan ni Sophia sa bahay ng kanyang biological father ang katibayan ng magandang samahan nila.
Read: Nadia Montenegro finally admits to having a daughter with Baron Geisler