Ang social media post ni Ogie Alcasid na “We say farewell to a Tower of strength and Tower that served the Filipino” ang isa sa mga kumpirmasyon tungkol sa nakatakdang pagkawala ng Millennium Transmitter ng ABS-CBN.
Matatagpuan ang higanteng tower sa kanto ng Mother Ignacia Avenue at Sgt.Esguerra Avenue, Quezon City.
Kasama ang kanyang asawang si Regine Velasquez, nagpakuha si Ogie ng larawan sa iconic transmitter o tower na nagsilbing palatandaan ng ABS-CBN sa matagal na panahon.
View this post on Instagram
Ngunit sa kasamaang-palad, nagdesisyon ang pamunuan ng ABS-CBN na ibenta sa Ayala Land Inc. ang malaking bahagi ng kanilang ari-arian.
Read: ABS-CBN, ibebenta ang malaking bahagi ng lupa sa halagang P6.2B
FROM SOP TO ASAP
Suot nina Ogie at Regine ang kulay puti na T-shirt na may tatak na Batch 2017 at Batch 2018, respectively, na indikasyon ng taon na naging parte sila ng ASAP, ang Sunday noontime musial-variety show ng ABS-CBN.
Nagdiwang ang ASAP ng ika-tatlumpong anibersaryo noong Linggo, Marso 2, 2025.
Bago sila lumipat sa Kapamilya Network, mga pioneer host sina Regine at Ogie ng mga Sunday noontime musical-variety program ng GMA Network na itinapat noon sa ASAP.
Kabilang dito ang SOP (Pebrero 1997-Pebrero 2010), Party Pilipinas (Marso 2010-Mayo 2013), at Sunday All Stars (Hunyo 2013-Agosto 2015).
Hindi lamang sina Ogie at Regine ang nagsuot ng ASAP batch T-shirts para sa 30th anniversary ng programa.
Ito rin ang kasuotan ng production staff at ng lahat ng ABS-CBN stars na nagkaroon ng partisipasyon sa Sunday noontime show ng Kapamilya Network.
“Batch 1995” ang nakatatak sa T-shirts nina Pops Fernandez at Martin Nievera, dalawa sa mga orihinal na host ng ASAP.
Batch 1998 si Zsa Zsa Padilla, Batch 2008 si Cristine Reyes, at Batch 2025 ang The Voice USA Season 26 champion na si Sofronio Vasquez.
Read: Martin Nievera pays tribute to ASAP on his 62nd birthday