Hindi na kailangang magsumbong sa isang public-service program at wala nang dahilan ang netizens na i-tag ang Kapuso Mo, Jessica Soho para magkaroon ng katarungan ang naranasan ng isang senior citizen sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nitong nakaraang linggo ay nag-viral sa social media ang video kung saan muntik nang maging biktima ng tanim-bala si Ruth Adel, 69, sa insidenteng nangyari sa Terminal 3 ng NAIA, noong Huwebes, Marso 6, 2025.
Papunta si Adel at ang kanyang anak sa Vietnam.
Iginiit ng tatlong babaeng security personnel ng Office for Transportation Security na, diumano, may basyo ng bala sa mga bagahe ni Adel kaya pilit nila itong inimbestigahan.
Malinaw na makikita sa video na kuha ng anak ni Adel ang pagtatawanan, pagtatakip ng name tag, at pagtalikod ng security personnel na pinararatangan siyang may bitbit na basyo ng bala sa kanyang bagahe.
Naging headline ng evening news programs ang insidente noong Linggo, Marso 9.
Umaksyon naman si Department of Transportation Secretary Vince Dizon laban sa tatlong security personnel.
Ngayong Lunes ng umaga, Marso 10, isiniwalat ni Dizon na sinibak na sa puwesto ang mga suspek na sasampahan din daw nila ng kaso.
Deklarasyon ng DOTr head: “Kung akala ninyo, ginagawa namin ito for a show, nagkakamali kayo.
“We are terminating them already today.
"We will not stand for any abuse. Any abuse will be met with the same result."
Read: Manny Pacquiao offers free legal service to ‘tanim-bala’ victims
THE TANIM-BALA INCIDENT
Noong Marso 8, inilahad ni Ruth Adel sa Facebook post nito ang paglapit sa kanya ng isang security personnel dahil, diumano, may nakitang “anting-anting” o basyo ng bala sa bagahe niya.
Detalyadong kuwento ni Adel (published as is): "March 6 2025 (araw ng alis namin papuntang Vietnam)
"nakarating naman kami ng maaga sa inaasahan sa NAIA T3 kaso sa dami ng tao sa immigration, halos abutin na kami ng boarding ng flight namin andun pa din kami sa immigration.
"nagtatakbo na kami para lang makaabot kami sa flight namin, ng makarating kami doon, biglang nag announce ang cebu pacific na nagsimula na ang boarding sa Boarding Group 1.
"kami na nasa group 5 pa naman, hahabulin sana ang pagbili ng tubig, biglang may lumapit na babae galing sa security sa naia at nagsabing 'maam excuse me po may nakita po kasi kaming anting anting sa bagahe nyo' (nginunguso niya ung maleta ko).
"Mabilis naman na sagot ko 'ano un, anong anting anting?' at ang sabi nya 'basyo' (patawa tawa pa). akala namin nag pranprank lang kasi napaka casual ng pagkasabi nya.
"Ang sabi ko sakanya wala akong alam sa basyo at kung gusto niya icheck na niya dun mismo kung asan kami (boarding gate) kasi paalis na at baka maiwan kami ng eroplano.
"agad nyang sinabi na 'Maam kelangan po natin icheck dun, (may tinuturo siya sa malayo) kelangan nyo pong sumama samin.' Hindi ako pumayag dahil nagstart na nga ang boarding ng flight namin.
"Sinabi ng anak ko 'kung may nakita kung ichecheck nyo, icheck nyo dito hindi na kami babalik dun sa haba ng tinakbo namin at senior ang nanay ko' sabi ng anak ko..
"nag magmatigas kami, pilit nilang idinidelay ang pag-alis namin na kesyo tatawagin daw ang supervisor para malaman pano gagawin. sobrang tagal at 6 mins nalang aalis na ang eroplano..
"halos mahimatay ako sa galit at nerbyos sa sinasabi nila at pagmamakaawa na ako na icheck na nila dun ang bag ko.. . pero pinilit pa din ipaantay ang supervisor..
"Dumating ang supervisor, sabi nung unang kumausap sakin sa supervisor niya, 'maam dito po nila pinapacheck', (tinuturo niya maleta ko, ako naman bubuksan ko na).
"Sabay sabi ng supervisor 'hindi naman dyan eh, sa handbag po nakita'. Ang sagot ng isa 'ay hindi ba dyan??' (tumatawa ung babae) Sabi ng supervisor 'oo.'
"Tas may pinapakita siyang picture ng xray ng bag. Bag ko raw yun. Sa pagkakaalam ko wala naman laman ang bag ko na mga susi gaya ng nasa picture na pinapakita nila sakin.
"Nagtataka na ako, bat hindi consistent ang sinasabi nila qt hindi nagtutugma. Pinakita namin sakanila ang laman ng bag at halos itaob na ng anak ko ang bag ko para lang mapakita na wala naman akong bitbit na contrabando o ano man ipinagbabawal na bitbitin.
"Sa totoo sa buong buhay ko,hindi pa ako nakakakita ng basyo ng bala na sinasabi nila.. sa pelikula lang. kaya napaka impossible. Nang wala silang makita, bigla silang nagtalikudan dahil naka video sila
"plit nilang sinasabi na bawal mag video pero diba bawal din yang ginagawa nila. Bigla na lang silang nagatalikuran na para bang walang halaga ang nararamdaman ko at para bang hindi sila naka perwisyo ng tao.
"Tinatakpan nila mga name tag nila. Nakuhanan namin ng video na patawa tawa pa ng sinabi ko na isusumbong ko sila kay Sir Tulfo at alam kong laglag bala modus yang ginagawa nila.
"Sa totoo lang, ngaun lang ako nakaramdam ng sobrang pangmamaliit saakin.. 69 years old na ako, kung ano mangyari saakin ay di naman nila ako sasagutin. Grabe ang nerbyos ko sa pangyayari at tumaas ang presyon ko. Hanggang ngayon ay napapanaginipan ko parin ang mga pangyayari sa akin.
"ang buong akala ko nagbago na ang systema dito. gusto ko mabigyan ng aksyon ito at ayaw ko ng may mabiktima pa silang iba. Ni hindi humingi ng paumanhin sa abala at perwisyo na binigay nila sa akin. Kapag hindi sila naturuan ng leksyon, patuloy ng mambibiktima itong mga opisyales na ito.
"pls share po para na din sa awareness satin lahat.
"Maraming salamat po sa staff and mga crew, steward ng #CebuPacific na hindi po kami pinabayaan hanggang sa makarating kami sa destinasyon namin, patuloy ang pag-aalala at pangangamusta nila saakin."
Read: Airport incident ni Mon Tulfo at nina Raymart Santiago at Claudine Barretto, inungkat ng netizens