Ngayong Sabado, Marso 15, 2025, ang huling araw ng Anilag o Ani ng Laguna, ang annual festival ng lalawigan ng Laguna.
Kabilang ang aktor at mang-aawit na si Juan Karlos “JK" Labajo sa mga magtatanghal sa konsiyerto na magaganap mula 7:00 PM hanggang 11:00 PM sa Laguna Sports Complex, Sta. Cruz, Laguna.
Tanging hiling naman ng pamilya ng yumaong graduating student at beauty queen na si Trisha Macalagay ay mapirmahan ni JK ang mga naiwang larawan nito sa sandaling nasa nabanggit na lugar na ang singer-actor.

Pumanaw si Trisha noong Marso 13, 2025, dahil sa sunog na nangyari sa paaralan na pinapasukan niya, ang Laguna State Polytechnic University (LSPU) sa Sta. Cruz, Laguna.
Nangako ang pamunuan ng LSPU na ibibigay ang lahat ng tulong na kailangan ng naulilang pamilya ni Trisha.
Nakasaad sa bahagi ng pahayag na inilabas ng LSPU na, “The University vows to thoroughly look into the matter and cooperate with the relevant agencies to ensure that an objective investigation is conducted urgently, and that accountability and responsibility is carried out in this extremely painful time.
“The University commits to extending all forms of help it can to the family of Trisha as we help them in this time of sorrow, offering its prayers and sympathy, and everything it can to help them move forward in recovering from this devastating incident with the grace of the Lord Almighty.
“Trisha, a beauty queen and student leader, is a ray of sunshine, a source of inspiration, and a tower of hope to her classmates, friends, and teachers. She will surely be missed.”

Si Trisha ay ang itinanghal na Miss Laguna Tourism Paete 2022 at estudyante ng kursong Bachelor of Science in Biology, Zoology/Animal Biology.
Natagpuan ang walang buhay na bangkay ni Trisha sa comfort room ng LSPU, ilang oras matapos sumiklab ang apoy sa laboratory room sa ikalawang palapag ng gusali na kinaroroonan nila ng kanyang mga kaklase.
Si JK ang iniidolo ni Trisha na gustung-gusto nitong mapanood nang personal.
Hindi nga lang nagkaroon si Trisha ng pagkakataon na makaluwas at mapanood noong Nobyembre 2024 ang concert ni JK sa Mall of Asia Arena dahil abala siya sa pag-aaral.
Dahil graduating student, ang school thesis ang pinagtutuunan ni Trisha ng panahon, pero nakumbinsi siya ng mga kaibigan na panoorin ang concert ni JK na mangyayari ngayong Sabado nang gabi.
Sa kasamaang-palad, hindi na mapapanood ni Trisha ang pagtatanghal ni JK at ang pag-awit nito ng "Through the Years" na paborito niyang kanta ng singer, dahil binawian ang dalaga ng buhay noong nakaraang Huwebes.
Nakaburol ang cremated remains ni Trisha sa John Joseph Relova Funeral Chapel & Crematorium sa Sta.Cruz, Laguna, at nakatakda ang inurment sa Marso 19.

Pupunta sa Laguna Sports Complex ang mga kaibigan ni Trisha para panoorin ang pagtatanghal ni JK, at diumano, kahit suntok sa dilaw na buwan ang gagawin nila, umaasa silang mapagbibigyan ng singer-actor ang kanilang kahilingan na pirmahan ang mga larawan ng pumanaw na estudyante at beauty queen.
Isang karangalan daw para sa mga nagdadalamhating kaibigan ni Trisha na maparating kay JK ang kahilingan ng dalaga nung nabubuhay pa ito, kahit na hindi na nagkaroon ng katuparan na makita at makilala nang personal ang iniidolo nitong mang-aawit.