Sina Derrick Monasterio, Royce Cabrera, at Bruce Roeland ang tatlo sa mga Kapuso artist na rarampa sa Body of Work, ang fashion show na magaganap sa Marso 21, 2025, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Pinaghahandaan ni Derrick ang sasalihang fashion show sa pamamagitan ng pagbabawas ng pagkain at regular na pagpunta sa gym.
“Nice. Thank God, para sa Bench ito,” ang reaksyon ni Derrick na natuwa dahil napuna ng Cabinet Files ang kanyang pagpayat.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Cabinet Files na makausap si Derrick matapos ang guesting nila ni Royce sa Fast Talk with Boy Abunda.
Ayon kay Derrick, twelve pounds ang nawala sa kanya at natatawang sinabi niya na kakain na siya nang marami kapag natapos na ang fashion show.
Gaya ni Derrick, handang-handa na rin si Royce sa muling pagsabak niya sa underwear fashion show na kanyang unang naranasan noong Setyembre 2024.
Nagulat si Derrick nang malaman nito na nagkaroon ng frontal nudity scene si Royce sa 2019 Cinemalaya movie na Fuccbois.
“Respect, bro,” ang sabi ni Derrick kay Royce nang ikuwento ni Royce ang mga sex scene na ginawa nila nina Kokoy de Santos at Ricky Davao sa kontrobersyal na pelikulang kanilang pinagbidahan.
Sa panayam kay Royce ni Boy Abunda, sinabi niyang handa uli siya na magkaroon ng frontal nudity scene sa pelikula, isang bagay na hindi pa makakayang gawin ni Derrick.
Binanggit din ni Royce na nakatanggap siya noon ng indecent proposal mula sa isang miyembro ng LGBTQ community pero tinanggihan niya kahit umabot ng milyong piso ang alok.
Sa magkahiwalay na panayam, tiniyak naman ni Bruce na isang malaking sorpresa ang magiging partisipasyon niya sa underwear fashion show.

Nang tanungin kung magkakaroon siya ng butt exposure, “Abangan ninyo na lang,” ang sagot ni Bruce.
Inumpisahan niya noong Enero 2025 ang paghahanda para sa underwear fashion show na pagsasamahan nila nina Derrick, Royce, at ng iba pang showbiz personalities.