Sina Alden Richards, Kathryn Bernardo, Lovi Poe, Joshua Garcia, David Licauco, ang magkapatid na Atasha at Andres Muhlach, at ang SB19 ang ilan sa mga showbiz personality na tumanggap ng pinakamalakas na palakpakan at hiyawan mula sa mga nanood ng matagumpay na Body of Work: The BENCH Show.
Ginanap ang Body of Work sa SM Mall of Asia Arena ngayong Biyernes ng gabi, Marso 21, 2025.
THE HIGHLIGHTS
Si Alden ang unang celebrity na lumabas sa entablado.
Dumagundong ang malakas na tilian ng mga tao sa loob ng SM Mall of Asia Arena nang maghubad siya ng pang-itaas.

Kung si Alden ang nagbukas ng Body of Work, si Kathryn naman ang finale. Very confident ang Kapamilya star nang rumampa siya nang solo.
Read: Kathryn at Alden, magpapakilig muli sa isang fashion show?

Umani rin ng malakas na hiyawan at palakpakan sina Lovi, Joshua, David, at ang kambal na sina Atasha at Andres.



THE SCENE STEALERS
Naging mapangahas si EA Guzman nang magpakita ito ng puwet, habang nagpanggap si Royce Cabrera na huhubarin ang underwear na suot na bentang-benta sa MOA audience.

Nakasakay ng motorsiklo si Jake Cuenca nang lumabas ito sa entablado para maghubad at ipakita ang kanyang suot na thong underwear, na dati na niyang ginawa sa mga nakaraang fashion show ng Bench.

Gabi rin ng SB19 ang ginanap na fashion show dahil sa napakainit na pagtanggap ng manonood nang kantahin nila ang kanilang hit song na "DAM" at nang isa-isa silang rumampa sa stage.

Nag-trending sa social media ang partisipasyon ng SB19 — na binubuo nina Pablo, Ken, Stell, Josh, at Justin — sa Body of Work na patunay ng kanilang kasikatan.
Read: PEP Most Influential 2024 OPM Superstars: SB19

Sa curtain call ay lumabas ang Bench owner na si Ben Chan at ang lahat ng celebrities at models na rumampa sa Body of Work show.
Nagulat naman ang karamihan nang lumabas din ang couples na sina Richard Gomez at Lucy Torres-Gomez at sina Dingdong Dantes at Marian Rivera-Dantes para batiin si Ben Chan.

THE SIDELIGHTS
Mapangahas din ang pagrampa ng isang aktor pero ipinagkanulo siya ng kanyang kumekembot at mahinhing paglalakad.
Nagmamantika ang katawan ng Pulang Araw actor na si Jay Ortega dahil sumobra ang body oil na kanyang inilagay.

Bumagsak ang kumpiyansa sa sarili ng isang aktor habang naglalakad sa entablado dahil walang gaanong reaksiyon ang mga tao, kahit nakalagay sa giant LED screen ang kanyang pangalan.
Kung ginaya ng aktor ang mga eksena nina EA Guzman at Royce Cabrera, baka-sakaling nakatanggap siya ng masigabong palakpakan na sukatan ng popularidad ng mga kalahok sa Body of Work.
Supportive boyfriend ang basketball player na si Kai Sotto sa kanyang girlfriend na si Rere Madrid, na kasali rin sa ginanap na fashion show tulad ng kapatid niyang si Ruru Madrid.
Marami ang mga artista at dating beauty queens na rumampa sa Body of Work pero karamihan sa kanila ay hindi agad nakilala kaya malaking tulong ang mga giant LED screen sa magkabilang bahagi ng stage dahil sa mga nakasulat na pangalan nila.
Para naman sa mga nanood ng live streaming, may mga nakalagay na cargen sa bawat celebrity na rumarampa kaya nakilala ang mga ito.
Read: Derrick Monasterio nagulat sa nalaman kay Royce Cabrera