Dahil labag sa kalooban niya, hindi nagbanggit ng pangalan ang aktres at Pasig City 2nd District Councilor na si Angelu de Leon, pero hindi maipagkakaila na para kay Atty. Christian "Ian" Sia ang kanyang Facebook post na “Bawal ang bastos sa Pasig!”
Si Sia ang congressional candidate sa 2nd District ng Pasig City para darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
Tumatanggap ito ngayon ng matitinding batikos dahil sa hindi-nakakatuwang biro na binitawan nito tungkol sa mga single mother.
“Ito po ang ambag ko para sa mga solo parent ng Pasig. Minsan sa isang taon ang mga solo parent na babae na nireregla pa — Nay, malinaw, nireregla pa — at nalulungkot, minsan sa isang taon, pwede pong sumiping sa akin.
"Yun pong interesado magpalista na po dito sa table sa gilid," ang mga salitang binitiwan ni Sia sa campaign sortie ng kanyang kinaaanibang partido noong Miyerkules, Abril 2, 2025.
Nag-viral ang masama at hindi-dapat tularang biro na ito ni Sia sa posts ng netizens na nagpahayag ng disgusto rito.
This is sick.
— ricci (@ricci_richy) April 3, 2025
Nakakasuka ang mga ganitong politicians. Mga taga Pasig, please lang, don’t make the mistake of giving power to this trash of a man. pic.twitter.com/qpraZStDHq
At katulad ng mga nabastusang netizens at publiko, hindi na napigilan ni Angelu ang magpahayag din ng kanyang pagkadismaya sa ginawa ng ni Sia.
Hindi lamang kasi konsehal ng 2nd District ng Pasig City si Angelu, siya rin ang Chairperson ng Committee on Social Services and Solo Parent Affairs ng lungsod.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post noong Huwebes, Abril 3, kinondena ni Angelu ang inasal ni Sia at hindi siya nag-atubiling ilahad ang pandidiri na nararamdaman laban sa congressional candidate.
“Nakakagalit na sa katatapos lang ng buwan ng kababaihan, at ngayong buwan ng Abril kung kailan pambansang ipinagdiriwang at kinikilala ang ating mga solo parents, makakarinig tayo ng nakakabastos at nakakadiring pahayag sa mga babaeng solo parent sa isang pampublikong event — na nagmula pa mismo sa isang abogadong kumakandidato para kongreso,” reaksyon ni Angelu na inamin na ayaw niyang banggitin ang pangalan ng kandidatong sangkot sa isyu.
“Bilang kasalukuyang Chairperson ng Committee on Social Services and Solo Parent Affairs ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig, at bilang isang babaeng minsan din naging isang solo parent, nararamdaman ko ang labis na inis at pagkadismaya ng kababaihan at mga solo parent sa mga pahayag na ito.
“Ang ganitong uri ng mga salita ay hindi lamang nakakainsulto sa mga kababaihan, kundi pati na rin sa ating lipunan.

“Ang pagkakaroon ng respeto at dignidad para sa iba, anuman ang kasarian o estado sa buhay, ay isang mahalagang prinsipyo na dapat isinusulong ng bawat isa, at mas lalo na sa mga nagnanais maglingkod sa ating pamahalaan at sa mga Pasigueño.
"Uulitin ko, BAWAL ANG BASTOS SA PASIG!” ang paliwanag at giit ni Angelu na isa lamang sa maraming Pilipinong hindi natutuwa sa inasal ni Sia.
POSSIBLE DISQUALIFICATION OF SIA
Samantala, hindi lang batikos ang inani ni Sia dahil sa kanyang biro tungkol sa single mothers, umani rin siya ng galit ng mga miyembro ng Solo Parents Party List.
Ayon sa COMELEC official Facebook page, nag-file ng Election Offense case ang nabanggit na party list laban kay Sia kahapon, April 4.
Diumano, nilabag ni Sia ang RA 9006 o Fair Elections Act.
Sabi pa ng COMELEC, posibleng na-violate din ni Sia ang Resolution No. 11116 o Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines, partikular na ang probisyon nitong "discrimination against women" at "gender based harassment."
Nag-issue nung araw ring iyon ang Task Force SAFE ng ahensiya ng Show Cause Order (SCO) para kay Sia para magpaliwanag ito kung bakit hindi siya dapat na sampahan ng kaso at ma-disqualify sa kanyang kandidatura.
Binigyan lang ng COMELEC ng tatlong araw si Sia para sagutin ang SCO.

Notice: This article falls under promotional material for a candidate running in the 2025 election.