Ang pangalan ni Juan Karlos "JK" Labajo ang isa sa mga nababanggit na sangkot sa diumano’y kaguluhang nangyari sa pagitan nina Daniel Padilla at Kyle Echarri sa after-party ng ABS-CBN Ball, sa Solaire Resort North, Quezon City, noong Biyernes, Abril 4, 2025.
May mga kuwentong si Juan Karlos umano ang nagtanggol kay Kyle na kaibigan niya at nakasama sa Senior High, ang mystery-teen drama series na napanood mula Agosto 28, 2023 hanggang Enero 19, 2024.
Pero mananatiling untold ang panig ni Juan Karlos tungkol sa sinasabing partisipasyon nito sa kontrobersiya dahil magiging abala na siya sa mga concert tour.
Wala nang pagkakataon ang entertainment press na malaman ang kanyang paliwanag o kuwento, maliban na lamang kung babasagin niya ang pananahimik para ituwid ang mga impormasyong kumakalat.
ROSELLE MONTEVERDE ON JUAN KARLOS
Huling nakausap ng entertainment media si Juan Karlos sa presscon ng Untold noong Marso 31, 2025.
Ang Untold ang psychological horror movie ng Regal Entertainment Inc. na pinagbibidahan ni Jodi Sta. Maria at ipalalabas sa mga sinehan sa Abril 30, 2025.
Si Juan Karlos ang gumaganap na cameraman ng karakter ni Jodi sa Untold.
Ayon sa Regal producer na si Roselle Monteverde, tiyak na bibigyan pa niya ng mga proyekto ang singer-actor dahil sa kabutihan ng ugali nito at ipinakikitang kooperasyon sa promo.
“Mabait siya,” sabi ni Roselle nang makausap ng Cabinet Files ngayong Lunes, Abril 7, 2025.
“Sumasama si Juan Karlos sa mga out-of-town promo ng Untold.
"Pagdating pa lang sa airport, pinatatawa niya agad ang kanyang mga kasama.
"Mahilig siyang magbiro pero very cooperative siya at masipag sa mga promo guesting, kahit hindi siya ang lead star sa Untold.”
Read: Juan Karlos naghandog ng awit para kay Trisha Macalagay
Ipinagmamalaki naman ni Roselle ang bagong pelikula ng Regal, na kilala rin bilang house of horror movies dahil ang kompanya nila ang nag-umpisa sa Shake, Rattle & Roll, ang sikat na horror anthology film series.
Incidentally, inanunsiyo sa nakaraang grand media conference ng Untold na Juan Karlos na lamang ang screen name ng singer-actor dahil hindi na niya gagamitin ang kanyang apelyidong Labajo.