Magsisimula ngayong Linggo, Abril 13, 2025, ang lamay para sa cremated remains ng Asia’s Queen of Songs na si Pilita Corrales sa The Heritage Park, Fort Bonifacio, Taguig City.
Read: Pilita Corrales dies at 87
Binawian ng buhay si Pilita ngayong Sabado, Abril 12, at nagdulot ng kalungkutan sa Philippine entertainment industry ang kanyang pagpanaw.
Sumakabilang-buhay si Pilita sa edad na 87, dahil isinilang siya noong Agosto 22, 1937.

PILITA CORRALES AGE FALSELY REPORTED
Marami sa mga news organization at online entertainment site ang nagbalitang namatay si Pilita sa edad na 85, dahil ang inaccurate information sa Wikipedia ang ginamit nila na basehan.
Isang leading media at entertainment company (hindi ang PEP) ang naglabas ng balita na 85 ang edad ni Pilita nang mamatay.
Pero binawi nila ang maling ulat dahil noong Agosto 2024, malinaw sa kanilang report na nagdiwang ng ika-87 na kaarawan ang Asia’s Queen of Songs.
Kinopya ng ibang mga news organization ang inilabas na balita ng tinutukoy na leading media at entertainment company tungkol sa maling edad ni Pilita.
At nang sabihin sa kanila na 87 ang tamang edad ng namayapang mang-aawit, hindi sila nakinig.
Hindi itinuwid ng mga guilty news organization ang pagkakamali dahil sa kanilang hindi katanggap-tanggap na katwiran na papalitan lamang nila ang maling edad ni Pilita kapag pinalitan ito ng leading media at entertainment company.
Read: Pilita Corrales: Isang pagpupugay sa Asia's Queen of Songs
PILITA CORRALES TURNED 87 IN AUGUST 2024
Sa tribute article ng PEP para kay Pilita noong Agosto 22, 2024, mismong ang kanyang apo na si Janine Gutierrez ang nagsabi na 87 years old ang lola niya, hindi 85.
Sa tuwing may mga pumapanaw na showbiz personality tulad ng kaso ni April Boy Regino na namatay noong Nobyembre 29, 2020, madalas na nagiging isyu ang kanilang mga tunay na edad.
Dahil sa halip na magsaliksik na mabuti ang mga naghahatid ng balita, copy and paste ang ginagawa.
O kaya ay ibinabatay lamang sa mga nakalagay sa hindi masyadong mapagkakatiwalaang Wikipedia ang kanilang mga ulat, kahit maraming paraan para tanungin ang mga kamag-anak ng yumao, upang maiwasan ang mga pagkakamali na pinag-uumpisahan ng pagkalat ng fake news.