Naging malupit at mapanghusga ang netizens kay Dra. Vicki Belo nang dumalo ito sa ABS-CBN Ball noong Abril 4, 2025 sa Solaire Resort North, Quezon City.
Read: Belle, nag-trending; Andrea at Ivana, may isyu at rebelasyon
Gamit ang mga video na kanilang pinirata mula sa legitimate content creators, gumawa ng sariling content ang mga mapanghamak na netizens.
Inilagay nila ito sa iba’t ibang mga social media platforms para hamakin ang paika-ikang paglalakad ni Dra. Vicki at ang pisikal na kaanyuan nito.
Kasabay iyon ng pang-iinsulto ng bashers na "matanda na" ang prominenteng beauty doctor, na para bang hindi darating ang panahong tatanda rin sila.
Para sa kaalaman ng mga mapanglait na bashers—na pinagkakakitaan ang ibang tao sa masamang paraan—walang kinalaman ang edad ni Dra. Vicki sa paika-ikang paglalakad niya sa red carpet ng ABS-CBN Ball.
Sa pakikipag-usap ng Cabinet Files kay Dra. Vicki, inamin niyang nahirapan siya sa paglalakad sa red carpet ng ABS-CBN Ball dahil sa kanyang Gucci shoes na may six-inch heels.
Hindi kita ang taas ng heels niya dahil sa kanyang Loewe gown na suot.
Hindi ito ang unang pagkakataong nakaranas ng panghuhusga at panglalait si Dra. Vicki.

Read: Vicki Belo: 7 Years Cancer-Free
VICKI BELO ON bashers
Ilang araw bago ng ABS-CBN Ball, ang kanyang hindi pantay na boobs naman ang pinuna ng netizens, na kaligayaha nang maghanap ng kapintasan sa kapwa.
Kahit hindi naman kailangan, napilitan si Dra. Vicki magpaliwanag sa isyu.
"I’ve been getting so many comments about why my breasts are uneven," simula niya sa kanyang IG Reel noong April 2.
Wala raw iyong kinalaman sa kanyang aesthetic clinic.
"I thought I’d address it because baka you think my breasts were done in Belo and it’s uneven.
"That’s so not true," diin ng duktora na kilala sa diretsahang pananalita at sense of humor.
VICKI BELO ON BEING A BREAST CANCER SURVIVOR
Resulta raw iyon ng kanyang dinaanang sakit noon.
Dire-diretsong lahad ni Dra. Vicki: "If you recall, I had breast cancer nine years ago, and my tumor was actually this big, five by seven [5x7] centimeters on my left breast.
"And they took out the tumor. And we did it in the States in New York Presbyterian, and they put something in.
"I don’t even know what it is, I asked my doctor, he told me, 'tissue.' But it’s not silicone. It’s something much harder.
"I also had stage three breast cancer so they removed my lymph nodes, three lymph nodes, so that’s why my armpit is a bit deep on this side."
Hiling ni Dra. Vicki, sana matigil na ang mga pangungutya ng kapwa.
"I just think I wanted to clear it out because I don’t want you to say that’s what happens to boobs in Belo. We do boobs very well.
"I am a cancer survivor. I was a bit depressed in the beginning, but I didn’t let it affect my life.
"I love clothes, I love sleeveless clothes."
Sa puntong ito, halos maiyak na si Dra. Vicki.
"Iiyak na ako, so I still wear them, but," nabiting sabi niya na tila tuluyan nang naiyak.
Naputol ang video bago siya nagpatuloy.
"Anyway, I hope you understand," panghuling pakiusap niya sa mga netizen na hinuhusgahan siya.
Read: Daiana Menezes, six years nang cancer-free at may lovelife
A LITTLE KINDNESS GOES A LONG WAY
Ilang oras matapos magpaliwanag ni Dra. Vicki tungkol sa pinipintasang dibdib niya, nakatanggap siya ng mga mensahe mula sa naging bashers.
Humingi ng tawad ang mga taong nakisali sa panghuhusga sa kanya at nakonsyensya nang malamang breast-cancer survivor siya.
Aral para sa lahat ang karanasan ni Dra. Vicki, lalung-lalo na sa mga taong madaling mamintas at magbitaw ng masasakit na salita laban sa pisikal na kaanyuan ng kapwa, kahit wala silang alam sa mga pagsubok na pinagdaraanan ng kanilang binabatikos na hindi naman nila personal na kilala.
"Please be kind na lang," ang panawagan ni Dra. Vicki.
Hindi ito mahirap gawin. Palaging isaalang-alang ito ng bawat isa dahil, ika niya: "A little kindness goes a long way."