Ang CNN, BBC, Arab at NBC News ang ilan sa mga naglabas ng balita tungkol sa pagpanaw ni National Artist Nora Aunor noong Abril 16, 2025.
Read: Nora Aunor Wake Day 1: Coco, Julia, Janine, Jericho, Vilma
Patunay ito ng kanyang popularidad sa buong mundo at hindi lamang sa Pilipinas.
"Nora Aunor, one of Philippine cinema’s biggest stars, dies at 71" ang headline ng CNN News.
"Famed Philippine film star Nora Aunor dies at 71" ang balita ng BBC.
"Philippine film legend Nora Aunor dies aged 71" ang inilathala ng Arab News.

"Nora Aunor, who became one of the biggest stars of Philippine cinema during a career that spanned seven decades, has died," ayon naman sa NBC News.

Dalawang araw na ang nakalilipas mula nang bawian si Nora ng buhay sa The Medical City, Pasig City.
Pero mainit pa rin na pinag-uusapan ang kanyang pagkamatay na malaking kawalan sa Philippine entertainment industry.
Mababasa sa iba’t ibang mga social media platform ang mga pagbibigay-pugay kay Nora ng mga kaibigan, mga tagahanga, at mga ordinaryong tao na hindi niya personal na kilala pero mapalad na nakaranas ng kanyang kabutihan.
Read: Nora Aunor, surrounded by her children in her very last moments
UNAUTHORIZED NORA AUNOR DOLLS
Ang mahirap mapantayan na kasikatan ni Nora ang dahilan kaya nagkaroon noong 1973 ng Nora Aunor dolls.
Isa ang aming kapatid na si Olive Mendoza sa nagmamay-ari ng manika ng superstar.
Hindi maipagkakaila na inihulma sa mukha ni Nora ang manika dahil sa nunal sa kanyang kaliwang pisngi at mga mata na hugis at tatak Nora.
Nakasulat sa likod ng ulo ng manika ang pangalan na Nora Aunor bilang pagkakakilanlan.
Pero walang pahintulot ng aktres ang paglalabas ng Nora Aunor dolls.
Nakumpirma ito noong Oktubre 2024 nang magpunta siya sa shop ng content creator at collector na si Jayson Luzadas, o mas kilala sa tawag na Boss Toyo.
Nagrehistro sa mukha ni Nora ang pagkagulat nang makita nito ang mga manika.
"Ay, kanino po kayo nagpaalam?" tanong ni Nora kay Boss Toyo nang masilayan niya ang mga naka-display na Nora Aunor dolls.
"Ibinenta po ito ng kolektor sa amin. Actually, madami po kayong laruan Ma’am sa market," sagot ni Boss Toyo.
Usisa pa no Nora, "Sino po yung kolektor? Hindi po nagpaalam, e."
Balik tanong ni Boss Toyo, "Saan po ba ito nanggaling? Gawa po ito sa Pilipinas, e."
Sagot ni Nora, "Hindi ko alam. Oo nga po [gawa sa Pilipinas], pero hindi nagpaalam."
Ikinabigla ni Boss Toyo nang mapagtanto nitong walang permiso ng aktres ang mga inilabas na Nora Aunor dolls noong 1973.
Read: Ian de Leon denies operation caused Nora Aunor’s death
COST OF NORA AUNOR DOLLS
May mga nagpapatunay na marami ang yumaman noon nang dahil kay Nora.
Sila ang mga taong inabuso ang kabaitan ng aktres na ginamit nila sa kanilang mga negosyo nang walang pahintulot.
Ayon sa isang toy collector, ibinebenta noon mula PHP4,000 hanggang PHP60,000 ang vintage Nora Aunor dolls.
At sa pagpanaw ng aktres, tiyak na maipagbibili sa mas mataas na halaga ang mga manika na hango sa kaanyuan ni Nora.
Pero illegal pala ang mga ito dahil hindi hiningi noon ng toy manufacturer ang kanyang permiso.