Si Rodel Fernando ang isa sa mga pinakamalapit na kaibigan ng pumanaw na National Artist at legendary actress na si Nora Aunor.
Siya ay isang entertainment writer at dating president ng Philippine Movie Press Club (PMPC).
Siya rin ay proud Noranian.
Nagsimula ang kanilang pagkakaibigan noong 2011, the year na bumalik ang aktres mula sa U.S. para permanenteng manirahan sa Pilipinas.
Eksklusibong nakapanayam ng Cabinet Files si Rodel ngayong Biyernes, April 18, 2025.
"Bago ako nagsulat bilang showbiz reporter, Noranian na ako. Madalas kaming nagkikita at nagkukumustahan, pero walang chance na magkalapit kami," ang umpisang paglalahad ni Rodel.
"Noong 2011, galing siya sa States at nagsimula na ang friendship namin.
"'Dhel' na ang tawag sa akin sa mga bawat pagkikita namin, pero noong 2017, talagang kapamilya na ang turing niya sa akin."
Lubos na naging malapit si Rodel kay Nora.
"Pinagkatiwalaan na niya ako sa lahat. Pati ang schedule niya ay minsan ako na ang nag-aayos.
"Hanggang sa magturingan na kami na parang mag-ina.
"Wala na siyang inililihim sa akin," ani Rodel.
Nasaksihan ni Rodel ang lahat ng mga nangyari sa personal na buhay ni Nora, pero hindi nalaman ng publiko dahil pinili niyang protektahan ang premyadong aktres.
Si Rodel din ang kasama ni Nora sa mga pinagdaanan nito, hindi lamang sa ginhawa kundi lalo na sa mga hirap.
At sa kabila ng mga pinagdaanan ng kanyang idolo, hindi niya tinalikuran ito.
RODEL FERNANDO VISITED NORA AUNOR AT THE HOSPITAL
Huling nagkita sina Rodel at Nora noong Martes Santo, Abril 15, 2025.
Dinalaw muna niya ang Superstar sa The Medical City sa Pasig City, bago siya lumipad sa Siargao para magbakasyon habang ginugunita ang Semana Santa.
Kinabukasan Miyerkules Santo ng gabi, Abril 16, pumanaw si Nora.
Nabigla si Rodel nang makatanggap ng mga text messages na pumanaw na ang kanyang mahal na kaibigan at itinuturing na pangalawang ina.
"Bago nga ako pumunta sa Siargao, dinalaw ko siya sa hospital nung Tuesday. Yun na pala ang huli naming pagkikita.
"Hindi ko inisip na mawawala siya kasi ang sigla-sigla niya.
"Very Ate Guy na palabiro at masayahin sa totoong buhay," kuwento ni Rodel.
Nasasaktan si Rodel dahil sa Linggo, April 20, ang kanyang balik sa Maynila mula sa Siargao, kaya hindi pa niya napupuntahan ang burol ni Nora sa The Heritage Park, Taguig City.
Iniiyakan pa rin ni Rodel ang pagpanaw ni Nora.
Nahihirapan siyang tanggapin ang katotohanang wala na ang aktres na naging malapit sa kanya.
HOW RODEL FERNANDO LEARNED ABOUT NORA AUNOR'S DEATH
Tinanong ng Cabinet Files kung paano niya nalaman ang pagkamatay ni Nora.
Lahad ni Rodel: "Nasa labas ako ng hotel at naiwan ko ang cellphone ko.
"Nang tingnan ko ang cellphone ko, ang daming mga message sa Messenger about Ate Guy na tinatanong ako kung totoo na wala na siya.
"Agad kong tinawagan si Ate Editha, ang personal assistant ni Ate Guy.
"Grabe, nanlambot ako at nawala sa sarili."
Lubos na nagdalamhati si Rodel sa balita.
"Alam mo yung nawalan ka ng mahal sa buhay? Ganun ang pakiramdam ko. Sobrang iyak ko.
"Eto nga, kahit nasa bakasyon ako ay palagi akong umiiyak.
"Hindi naging masaya ang bakasyon ko dahil palagi ko siyang naaalala.
"Palagi akong kino-comfort ng mga kasama ko," malungkot na malungkot na lahad ni Rodel.
Ano ang hindi mo malilimutang ginawa sa iyo ni Nora na pahahalagahan mo habambuhay?
Sagot ni Rodel: "Yung pagtawag niya sa akin ng anak, iyan ang pahahalagahan ko habambuhay.
"Pero alam mo, sa kabila ng mga pinagdaanan niya ay isa lang masasabi ko, mabuting tao si Ate Guy.
"Ikinararangal ko na ako ay naging tagahanga ng isang Nora Aunor, forever Noranian," diin ni Rodel.
RODEL'S FAREWELL MESSAGE TO NORA AUNOR
May mensahe ng pamamaalam si Rodel para kay Nora, at ipinadala ito ni Rodel sa PEP.
"Paalam Nanay Guy. Sobrang sakit! Hindi pa rin ako makapaniwala.
"Noong Martes nang dinalaw kita sa hospital yun na pala ang huli nating pagkikita.
"Salamat po sa pagtanggap ninyo sa akin bilang kaibigan at kalaunan ay itinuring mong anak-anakan.
"Napakapalad ko po dahil napalapit po ako sa inyo na hindi mo lang pinagkatiwalaan kundi itinuring mo pong pamilya.
"Ate Guy bakit ganun? Eh nung Martes, ang saya-saya mo pa at ang sigla-sigla. Binibiro mo pa ako at sinabing huwag muna akong aalis, pero iiwan mo na pala kami.
"Tuwing maaalala ko po mga pinagsamahan natin ay naiiyak po ako. Ang dami! Pati mga sikreto mo po ay ibinahagi mo sa akin.
"Sa lungkot, ligaya, me pera o wala ay hindi tayo nag-iiwanan. Ang sakit-sakit po talaga.
"Maraming beses na rin po tayong nagkatampuhan at minsan po ay nag-aaway pero hindi mo pa rin po ako inalis sa mundo mo.
"Napakapalad ko po at sa buhay ko ay naging bahagi po kayo.
"Kahit wala ka na kapag may mang-aapi at mang-aalipusta sa iyo ay ipagtatanggol kita at aawayin ko pa rin.
"Mahal na mahal kita gaya po ng pagmamahal na ibinigay mo sa akin. Hindi ka lang napaka-Dakilang Aktres kundi Napaka-Dakilang Tao mo rin.
"Mananatili ka po sa aking puso magpakailanman.”