Sa paggunita sa Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday sa Linggo, Abril 20, 2025, umaasa ang pamilya ng mag-asawang Edsil Jess at Alexis Aladid na buhay pa ang dalawa.
Kabilang sina Edsil at Alexis sa mga naiulat na nawawala buhat nang maganap ang 7.7-magnitude earthquake sa Mandalay, Myanmar, noong Marso 28, 2025.
Gumuho ang Sky Villa condominium building, kung saan nakatira ang couple na nagsimulang magtrabaho roon taong 2023.
Ang Miss Tourism Myanmar na si Silimee ay residente rin ng Sky Villa, at, sa kasamaang palad, ay kabilang sa mga nasawi.

Read: Dating beauty queen, kabilang sa mga nasawi sa lindol sa Myanmar
Ayon sa latest news ng multimedia organization na Mizzima News, nasa reported 5,352 na ang death toll.
EDSIL JESS'S FAMILY STILL HOPING FOR A MIRACLE
Tubong-Bais, Negros Oriental, si Edsil.
Nagtuturo siya ng Music sa Mandalay International School of Acumenas.
Noong Abril 1, inilabas sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang panayam sa nakababatang kapatid ni Edsil na si Dehm Howard Adalid, na labis ang pag-aalala sa kalagayan ng kanyang kuya at ng asawa nito.
Read: Mag-asawang OFW, still missing matapos ang earthquake sa Myanmar
Muling nagkaroon ng pagkakataon ang Cabinet Files na makausap siya habang ginugunita sa buong bansa ang Semana Santa o Mahal na Araw.
"Praying for miracle pa rin po na sana, hindi sila yung mga labi na nakita, at may milagro pa po na buhay pa rin sila,” ang malungkot pero umaasang pahayag ni Dehm.
Ayon sa balitang nakarating kay Dehm at sa kanilang pamilya, apat na Pilipino raw ang nasawi sa malakas na lindol, at nakita mula sa gusaling gumuho ang kanilang mga bangkay.
Inakala ng ilan na kasama sa apat na Pilipinong nasawi sina Edsil at Alexis kaya nagpadala sila ng mensahe sa kanilang pamilya.
Sabi ni Dehm: "Yung previous news po kasi may na-identify na dead bodies ng four missing Filipinos.
"Ang akala nila, sina Kuya at Alex iyon kaya ang daming nag-chat sa akin.
"Ipinaliwanag ko po sa kanila na yung na-identify is yung kasama nila na teacher din.
"Pero may na-recover po na dead bodies na male and female at may possibility daw na sina Kuya at Alex iyon, kaya idadaan po sa DNA sample dahil hindi na ma-identify kasi, nasa decomposing stage na po.
"Pumunta kami sa Manila noong Holy Tuesday, April 15, for DNA sample po.
"In-assist kami ni Atty. [Zuleika] Lopez ng Department of Foreign Affairs at umuwi rin kami noong gabi,” ang kuwento ni Dehm.
Noong Abril 5, iniulat ng DFA na nabubulok na ang karamihan sa mga bangkay na natabunan, at dahil sa kakulangan ng pasilidad at cold storage unit, ipina-cremate na sila.
Hiniling sa local rescuers ng Philippine Embassy sa Yangon, Myanmar, na kumuha muna ng tissue sample mula sa mga Pilipinong namatay bago sila i-cremate.
Ipapadala sa Myanmar ang DNA sample mula sa pamilya ni Dhem para malaman kung tutugma ito sa DNA sample ng mga hindi pa nakikilalang bangkay na nahukay mula sa gumuhong gusali ng Sky Villa.