Naglabas ng mensahe ng pasasalamat si Luis Manzano para sa mga mamamayan ng lalawigan ng Batangas matapos mabigong mahalal na bise-gobernador sa halalang idinaos noong Mayo 12, 2025.
Tinalo si Luis ng incumbent governor ng Batangas at veteran politician na si Dodo Mandanas.
Ito ang unang pagsubok ng Kapamilya TV host-actor sa larangan ng politika.
Read: How did celebrities fare in the 2025 elections?
Sa ibinahagi niyang mensahe sa social media, sinabi ni Luis na hindi man siya pinalad ay nagwagi pa rin ang kanyang pakiramdam dahil sa mga hindi niya malilimutan at pinahahalagahang karanasan.
Saad niya: “Mga kababayan kong Batangueño, hindi man tayo pinalad sa resulta ng halalan, panalo pa rin ako, dahil sa inyo.
“Sa bawat ngiti, kwento, at yakap na ibinahagi n’yo sa kampanya, mas naramdaman ko ang tibok ng puso ng Batangas. Mas napalapit ako sa inyo. Mas nakilala ko kayo, at iyon ay habang buhay kong babaunin.
“Salamat sa mga supporters, sa pamilya ko, at higit sa lahat, sa Diyos na naging gabay sa buong laban.
“Masigla at napakasaya ng kampanya dahil nakasama ko kayo. At kahit tapos na ang eleksyon, ito ay umpisa pa lamang ng matagal pa nating pagsasamahan. Hanggang sa muli. Maraming salamat po.”
Bagamat nabigo si Luis sa kanyang kandidatura, pareho namang nanalo ang kanyang inang si Vilma Santos at kapatid na si Ryan Christian Recto bilang Batangas governor at sixth district representative, respectively.

Read: Celebrities who lost in 2025 elections concede defeat
SAM VERZOSA
Gabi pa lamang ng May 12 ay naglabas na ng pahayag ang kongresista at businessman na si Sam Verzosa matapos lumabas ang resulta ng mayoral race sa lungsod ng Maynila.
Pumangatlo si Sam sa mga katunggali niyang sina former Mayor Isko Moreno at incumbent Mayor Honey Lacuna.
Taos-puso ring pasasalamat ang ipinarating ni Sam sa mga residente ng Maynila dahil sa suportang ipinagkaloob sa kanya.
Buong mensahe niya (published as is): "Mahal kong Manilenyo, Magandang gabi po sa inyo.
"Ngayong gabi, buong puso kong tinatanggap ang desisyon ng taumbayan.
"Bagamat hindi nangyari ang hinahangad nating resulta, ako po ay taus-pusong nagpapasalamat sa bawat isa sa inyo na naniwala, sumuporta, at lumaban para sa Pagbabago.
"Hindi po biro ang laban na ating hinarap. Bilang isang baguhan sa pulitika ng Maynila, alam kong ito ay magiging isang matinding hamon.
"Ngunit sa bawat kaway, yakap, halik at tapik ninyo sa balikat ko sa kalsada, naramdaman ko ang Pagmamahal nyo at tunay na diwa ng serbisyo at malasakit.
"Sa lahat ng volunteers, staff, sa bawat kabataan, nanay, tatay, at Lolo at Lola ko na tumindig para sa pagbabago—maraming salamat po.
"Ang ating kampanya ay hindi lang tungkol sa pagkapanalo, kundi sa pagbibigay ng tinig sa mga matagal nang hindi naririnig.
"Nais ko pong batiin ang nanalong kandidato. Hiling ko na ang kanyang tagumpay ay tagumpay rin ng buong lungsod. Manila deserves nothing less than honest, transparent, and compassionate leadership.
"Hindi po rito nagtatapos ang ating adbokasiya. Ang pangarap natin para sa mas maayos na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan, at isang gobyernong bukas at tapat ay mananatili sa puso ko.
"Magpapatuloy po ako sa pagseserbisyo sa ating bayan sa abot ng aking makakaya, sa aking mga proyekto, at sa araw-araw na buhay.
"Lahat po ito ay parte ng proseso, Ito ay simula ng isang mas malawak na pakikibaka para sa mas makatarungan at makataong Maynila.
"Muli, mula po sa aking puso.. Maraming Salamat, Maynila. Mahal ko po kayo.
"Mabuhay ang ating lungsod. Mabuhay ang sambayanang Pilipino.
"Sam 'SV' Verzosa"
Read: Bong Revilla, nag-concede sa pagkatalo sa senatorial race?
CYNTHIA VILLAR
Naglabas na rin ng pahayag si Senator Cynthia Villar kaugnay ng kanyang pagkatalo bilang representative ng lone district ng Las Piñas City.
Tinalo si Villar ng kanyang nakatunggaling si Mark Anthony Santos.
Nagpasalamat si Villar sa mga kababayan niya sa Las Piñas City at nagbitaw ng pangakong magpapatuloy ang kanyang mga programa at adbokasiya para sa mga kababayan niya.
Sinabi ni Villar: “Maraming salamat, Las Piñas!
"Bagamat hindi tayo pinalad sa halalan, taos-puso ang aking pasasalamat sa inyong suporta at tiwala.
“Ang paglilingkod sa inyo ay hindi dito nagtatapos. Patuloy akong magsusulong ng mga programa at adbokasiyang makatutulong sa ating bayan.
“Hindi ito paalam — ito ay pagpapatuloy ng ating pagmamahal at serbisyo sa bawat Las Piñero.”
Natalo man si Cynthia, mukhang sigurado na ang panalo ng kanyang anak na si Camille Villar sa senatorial race.
Read: UPDATED Iba pang celebs na nanalo at natalo sa 2025 elections
