Ibinaba sa limampung taon hanggang habambuhay na pagkakakulong ang sentensiya sa magkapatid na Erik at Lyle Menendez noong Martes, Mayo 13, 2025.
Ang bagong hatol kina Erik at Lyle ang magiging basehan para mabigyan sila ng parole, pero maaaring maging mahaba at magtagal ng maraming taon ang proseso.
Read: Pumatay sa singer na si Selena, hindi binigyan ng parole
Tatlumpu't limang (35) taon nang nagdurusa sa bilangguan ang magkapatid dahil sa pagpaslang sa kanilang mga magulang na sina Jose at Kitty Menendez noong Agosto 20, 1989.
Unang hinatulan ang magkapatid ng habambuhay na pagkakakulong na walang piyansa noong 1990.
Pero gumawa ng paraan at nagsikap ang kanilang mga kamag-anak na muling dinggin ng korte ang kanilang kaso para magkaroon sila ng pagkakataong makalaya.
Si Los Angeles County Judge Michael Jesic ang nagpataw ng panibagong hatol sa magkapatid base sa rekomendasyon ni Los Angeles County District Attorney George Gascón bago ito nagretiro.
Inirekomenda ni Gascón noong Oktubre 2024 na alisin ang mga parusang habambuhay na walang piyansa, dahil hindi pa 26 years old sina Erik at Lyle nang isakatuparan nila ang krimen.
Iginiit ni Gascón na, ayon sa batas ng California, puwedeng maghain ng piyansa ang magkapatid dahil sa magandang pag-uugali na ipinamalas ng dalawa habang nakapiit.
Isinaalang-alang din ni Gascón ang trauma na naranasan umano nina Erik at Kyle na kapwa raw dumanas ng panghahalay mula sa kamay ng sariling ama.
Read: Darren Wang under investigation for alleged attempted murder
THE FATHER OF ERIK AND LYLE MENENDEZ
Sikat na music executive si Jose Menendez sa Amerika.
Kahit hindi napatunayan ang sekswal na pang-aabuso niya sa kanyang mga anak, pinatotohanan ito ni Roy Rosselló, dating miyembro ng Menudo, ang popular Latino Puerto Rican boy group na nagpasikat sa mga kantang “If You’re Not Here,” “Heavenly Angel,” “Like a Cannonball,” at “Explosion.”

Dalawang beses (1985 at 1987) nagtanghal sa Pilipinas ang Menudo.
Dahil sa kanilang tinamasang kasikatan noon sa ating bansa, lumikha sila ng kanta, ang “I’m Going Back to the Philippines.”
Isiniwalat ni Rosselló sa documentary na Menendez + Menudo: Boys Betrayed na labing-apat na taon ang edad niya nang mangyari ang panghahalay sa kanya ng ama nina Erik at Lyle noong dekada ’80.
Sinabi ni Rosselló na naganap ang pang-aabuso sa kanya ni Jose sa tahanan nito.
Tinalakay naman sa Netflix documentary movie na The Menendez Brothers ang kuwento ng pang-aabuso ni Jose sa kanyang mga anak.