Alas-dos ng hapon ngayong Miyerkules, Mayo 21, 2025, nang mag-umpisang magtipun-tipon sa Eastwood Walk of Fame, Libis, Quezon City, ang matatapat na tagahanga ng Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.
Ito ay para gunitain ang kanyang 72nd birth anniversary ngayong araw.
May mga security guard na nakamasid para matiyak ang kaligtasan ng mga dumalo sa mapayapang pagtitipon ng mga umiidolo kay Nora, na karamihan ay senior citizens.
Personal na nasaksihan ng Cabinet Files ang pagdating ng Noranians sa harap ng bituin na nagtataglay sa pangalan ng legendary actress.
Binawian ng buhay si Nora sa edad na 71 noong Abril 16, 2025.
Read: Nora Aunor dead at 71

Naabutan ng Cabinet Files ang isang tauhan ng Eastwood Mall na pinakikintab mabuti ang brass star ni Nora, na napaliligiran ng mga isinaboy na talulot ng kulay pula na rosas at ng kanyang flower name.
Tinanong ng Cabinet Files ang empleyado ng Eastwood Mall kung ang management ang nagpagawa ng flower name ni Nora.
“Hindi ko po alam,” sagot niya.

Sinabi naman ng isang Noranian na nakausap ng Cabinet Files na balak sana nila ng kanyang mga kasamang bumili ng bulaklak sa Dangwa, ang sikat na bilihan ng mga bulaklak sa Maynila.
Pero hindi na raw sila tumuloy dahil sa flower name ni Nora na kanilang nakita sa Walk of Fame star ng pumanaw na aktres.
Read: National Artist Nora Aunor: "a soul of a nation"
NORANIANS AT EASTWOOD WALK OF FAME
Dalawang black-and-white framed photos ni Nora din ang nakalagay sa kanyang bituin.
Nagpakuha ng litrato ang Noranians bilang souvenir habang kumakanta ng "Handog," ang kantang pinasikat ni Florante noong late '70s na ang lyrics ay akmang-akma sa kuwento ng buhay ni Nora.
Isang tagahanga ni Nora ang may hawak ng watawat ng Pilipinas na simbolo ng pagiging National Artist for Film and Broadcast Arts ng kanyang idolo.

Ayon sa isang masugid na tagahanga ni Nora, isang misa ang idaraos ngayong hapon para sa 72nd birthday ng Superstar.
Pero hindi na raw sila pupunta sa puntod ng aktres sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Pagkatapos ng misa, sama-sama raw silang pupunta sa Gateway Mall Cinema sa Gateway Mall, Quezon City, para panoorin ang Faney, ang tribute movie para kay Nora na mula sa direksiyon ni Adolf Alix, Jr.
Read: Faney special screening, itataon sa birthday ni Nora Aunor