Ikinagulat ng mga tagahanga ni Freddie Mercury ang rebelasyon na may anak siyang babae na inilihim sa publiko sa loob ng apatnapu’t walong taon.
Si Freddie ang iconic lead vocalist ng popular British rock band na Queen. Binawian siya ng buhay sa edad na 45 noong Nobyembre 24, 1991, dahil sa AIDS-related bronchial pneumonia.
Isiniwalat sa Love, Freddie, Freddie Mercury’s Secret Life and Love, ang bagong biography tungkol kay Freddie, na bunga ang anak nito ng sandaling pakikipagrelasyon noong 1976 sa asawa ng kanyang kaibigan.

Noong 2018, ipinalabas sa mga sinehan ang Bohemian Rhapsody, ang biographical musical drama na may kinalaman sa buhay ni Freddie at pinagbidahan ni Rami Malek. Wala ritong binanggit tungkol sa kanyang isinikretong anak.
Si Lesley-Ann Jones ang may-akda ng Love, Freddie, ang librong nagbulgar ng pagkakaroon ng anak ni Freddie.
Itinago ito sa libro sa alias na “B” at tahimik na naninirahan sa Europe bilang healthcare professional at meron nang sariling pamilya.
Kinikilala ni Freddie ang anak na namuhay nang normal mula pagkabata dahil pinangalagaan ng mga tao sa paligid niya ang kanyang pribadong pamumuhay.
Bilang patotoo na si Freddie ang tatay niya, ibinahagi ni B kay Jones ang mga ebidensya, ang journals ni Freddie na ipinagkatiwala at iniwan sa kanya.
Sa ulat na inilabas ng British news outlets na Mirror at Daily Mail, sinabi ni B na, “After more than three decades of lies, speculation and distortion, it is time to let Freddie speak.
"He entrusted his collection of private notebooks to me, his only child and his next of kin, the written record of his private thoughts, memories, and feelings about everything he had experienced.
“We had a very close and loving relationship from the moment I was born and throughout the final 15 years of his life.
"He adored me and was devoted to me. The circumstances of my birth may seem, by most people’s standards, unusual and even outrageous."
Nanindigan si B na sariling desisyon ang kanyang paglantad na anak siya ng mang-aawit na nagpasikat sa mga kantang "Bohemian Rhapsody" at "We Are the Champions."
Ang pasabog na rebelasyon ni Jones ang nag-udyok sa mga tagahanga ni Freddie na kilalanin at alamin ang kinaroroonan ni B.
Pero mahihirapan sila dahil tikom ang bibig ng book author na nagbitaw ng pangako na pananatilihin niyang pribado ang pagkatao ng inilihim-sa-publikong anak ng legendary Queen vocalist.