"Pinakawalan" na at ligtas na nakabalik si Precy Francisco Meneses sa pamilya nito matapos mapaulat na nawala siya noong Mother's Day, May 11, 2025, o isang araw bago ang May 12 elections.
Si Precy Meneses ang ina ng dating alkalde ng Bulakan, Bulacan, na si Patrick Meneses.
Hindi nagbigay ng kumpletong detalye ang kausap ng Cabinet Files tungkol sa nangyari sa ina ni Patrick dahil maselan ang isyu.
Pero ayon sa kanya, kasalukuyang sumasailalim sa "trauma counselling" si Mrs. Meneses.
Read: Ina ni former Bulakan Mayor Patrick Meneses, nawawala
THE INCIDENT
Noong Mayo 11, naglabas ng opisyal na pahayag si Patrick tungkol sa kanyang ina na, diumano, nawala at hindi nakasipot sa kanilang Mother’s Day dinner sa isang kainan sa Guiguinto, Bulacan.
Pahayag ni Patrick: “Dahil sa tuluyang pagkawala ng aming komunikasyon sa aming INA, minarapat po naming idaan ito sa legal na proseso. Kung kaya't kami po ay nakipag-ugnayan sa mga alagad ng batas upang ipablotter at magpatulong sa kanila upang mabigyang linaw ang insidenteng ito.
“Kami po ay labis na nag-aalala sapagkat cya ay lumagpas na sa takdang oras na aming pinag-usapan. Kami po ay nakatakdang Kumain ng sabay sabay ngaung gabi upang i-celebrate ang Mother’s Day.”
Ipina-blotter ni Patrick at ng kanyang kapatid na si Piccolo Meneses sa Guiguinto Police Station ang mahiwagang paglalaho ng kanilang ina.
Hiningi rin nila ang tulong ni Bulacan Police Provincial Director Colonel Franklin Estoro na bumuo ng isang task force para imbestigahan ang kaso.
Natapos ang halalan na walang linaw tungkol sa tunay na nangyari sa nawawala umanong nanay ni Patrick.
Kumandidato si Patrick bilang alkalde ng Bulakan, Bulacan, sa eleksyon noong Mayo 12, pero hindi siya pinalad manalo.
Si Patrick ang ama ng anak ng aktres na si Ara Mina.
Read: Patrick Meneses calls Ara Mina and Dave Almarinez "soulmates"