Iyak nang iyak si Bianca Umali nang makita niya sa studio ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Huwebes, Mayo 29, 2025, ang kanyang lola na si Mrs. Victorina Umali o Lola Vicky.
Nanlaki ang mga mata, napanganga, at naluha si Bianca dahil sa labis na pagkagulat nang makita niya ang taong nagmahal, nag-aruga, at nagpalaki sa kanya nang maulila siya sa mga magulang.
Sorpresa ng programa ni Boy Abunda kay Bianca ang pagdating ng kanyang lola, kasama ang mga pinsan ng aktres.
"Ay, ano ba ito?” reaksiyon ni Bianca.
Read: How Bianca Umali and Ruru Madrid fix misunderstandings
Lalong napaluha si Bianca nang marinig nang personal ang mensahe para sa kanya ng lola niya.
Mensahe ni Lola Vicky para sa apo: “Gusto kong sabihin na sana’y lagi niyang matagumpayan ang kanyang mga ginagampanan na papel.
“Sana ay matuto siyang magpakumbaba at [maging] maka-Diyos. At sana ay hanggang sa huli ay maganapan niya ang kanyang mga katungkulan sa studio.
“Dahil si Bianca naman ay taglay ang kanyang kabaitan, ang kanyang kabutihang-loob. Mabait yan talaga. Hindi siya mahirap alagaan.”
Natawa naman si Lola Vicky sa gulat na gulat na reaksiyon ng kanyang apo dahil sa pagpayag niyang lumabas sa telebisyon.
Read: Miguel Tanfelix starts courting Bianca Umali the old-fashioned way
BIANCA UMALI'S MESSAGE FOR HER LOLA, LATE PARENTS
Nang hingan si Bianca ng mensahe para sa lola nito, lumuluhang sabi ng aktres: “Thank you so much for this opportunity, Tito Boy. Fast Talk, maraming salamat po.
“This is my first time na makita nila na kakausapin kita [Lola Vicky] in person. Lagi ang message ko sa 'yo is through the camera.
“Mama, I want to tell you na mahal na mahal kita. Gusto kong malaman mo at alam kong alam mo na lahat ng nararating ko ngayon ay para sa 'yo.
“Lagi ko pong sinasabi na ang buhay ko ay utang ko sa 'yo dahil wala ako dito kung hindi mo ako inalagaan, kung hindi mo ako pinalaki, kung hindi mo ibinuhos sa akin ang pagmamahal mo.
“I wouldn’t be where I am right now, Mama.
"And I hope I make you proud, and I love you so much.”
Si Lola Vicky ang tumayong magulang ni Bianca buhat nang mamatay ang ina ng aktres noong limang taon lamang ito.
Sampung taon naman ang edad ni Bianca nang mamatay ang kanyang ama, na anak ni Lola Vicky.
Dalawampu’t isa ang bilang ng lahat ng mga apo ni Lola Vicky; labimpito ang babae, kabilang si Bianca.
Magiliw na ikinuwento ni Bianca na labing-isa silang mga apo na inaalagaan ng kanilang lola.
Si Lola Vicky raw ang nagturo sa kanya ng mga gawaing-bahay na ginagawa niya hanggang ngayon, kahit artista na siya.
Nasaksihan ito ng mga manonood ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab nang maging houseguest si Bianca sa loob ng Bahay Ni Kuya nito lamang mga nakaraang araw.
Lumabas si Bianca sa PBB house noong Martes, May 27.
Hiningan din ng mensahe si Bianca para sa namayapa niyang mga magulang.
Saad niya: “I want to tell them that if I am making them proud or not, I am doing my best and I am trying my best to make them smile, at least.
“Alam ko po na hindi rin po ako perpektong tao and I will never be. But I can at least try to live myself for them with all my heart, all my soul, and all my mind, with God with me.”
Read: Bianca Umali honors memory of her late parents on Instagram