Ang phenomenal success ng Viva One original series na Ang Mutya ng Section E, na pinagbidahan nina Ashtine Olviga, Andres Muhlach, at Rabin Angeles ang dahilan kaya magkakaroon ng pagtatanghal sina Rob Deniel, Earl Agustin, Amiel Sol at ang grupo ng GAT sa Hunyo 20, 2025 sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City.
Ang Mutya ng Section E: OST Live in Concert ang pamagat ng palabas na pinaghahandaan nang husto ng mga nabanggit na mang-aawit dahil nakatulong ang popularidad ng programa para lalong sumikat ang kanilang mga kanta.
ROB DENIEL ON "MISS MISS"
Si Rob ang umawit ng "Miss Miss," at ayon sa kanya, puspusan ang pag-eensayo niya para sa mga tagahanga na manonood ng show nila.
"Ayaw rin namin ma-disappoint yung mga tao na pupunta. Gusto namin all-in yung songs at mas ma-enjoy nila lalo yung experience.
"Yung 'Miss Miss,' isa siya sa naging part ng OST sa ending ng series, yung happy ending. I am very grateful kasi bagay siya dahil happy ending ang series,” ang pahayag ni Rob nang humarap ito sa media conference para sa kanilang nalalapit na konsyerto.
AMIEL SOL ON "BAWAT SANDALI"
"Emotionally at mentally" naman ang paghahanda na ginagawa ni Amiel na natutuwa dahil sa unang pagkakataon, makakasama niya sina Rob, Earl at ang GAT sa isang concert.
"First time namin na magkakasama lahat," ang rebelasyon ni Amiel.
"What’s left now is to really practice the songs, to really prepare mentally, emotionally and siyempre, pagbigay namin ng effort sa concert na ito for the fans.
"My song 'Sa Bawat Sandali,' it was really written for the series, but it was chosen after the release.
"Para sa akin, naging magandang fit talaga siya para sa series because, 'Sa Bawat Sandali' is about the kind of love para sa mga kaibigan natin, loved ones and family.
"Yung tipo na nagiging pahinga mo yung mga tao na yan and I think it really fits the theme of Mutya ng Section E.
EARL AGUSTIN ON "TIBOK"
Para kay Earl, pare-pareho lamang ang mga preparasyon na ginagawa nila, kasunod ang paliwanag na mula sa personal na karanasan niya ang 'Tibok,' isa sa mga popular na soundtrack ng Ang Mutya ng Section E.
"Similar lang yung preparations namin, pero in terms of the songs, marami kaming inihanda pagdating sa mga areglo and, of course, ang talagang pinaghahandaan namin is yung mental, emotional, at physical aspects.
"We want to be able to deliver, if not close to perfection, 101% ng performance for the concert.
"'Tibok' was released in 2023 so medyo matagal na siya. Isinulat ko ang 'Tibok' coming from a personal experience and tungkol ‘yon sa pag-ibig.
"Yung love naman talaga is a universal thing, it’s a universal experience, a shared human experience. Kahit ano pa sigurong love song yan, mahahanapan yan ng paraan.
"Yung story ang hahanap mismo ng song. Personally, very grateful, very happy ako na nakatulong kung sakali yung 'Tibok' sa story ng Mutya ng Section E,” ang lubos na paniniwala ni Earl.
GAT'S VERSION OF DALENG-DALE
Nakilala ang GAT dahil sa cover version nila sa 'Daleng-Dale' na orihinal na kanta noong 2012 ng kambal na magkapatid na sina MM at MJ Magno.
Mabilis na naging popular ang GAT dahil sa sariling bersyon nila sa 'Daleng-Dale.'
Pero magkakaroon na sila ng original song at ito ang kanilang ibinalita sa naganap na presscon ng Ang Mutya ng Section E: OST Live in Concert.
"When it comes to original song, we’ll be releasing our upcoming debut single so dapat po ninyong abangan,” ang deklarasyon ni Ethan David, ang spokesperson ng GAT.